Higit 300 undocumented OFWs sa Jeddah, umaasang makakauwi na

Charles Tabbu, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Apr 26 2017 06:34 PM

SAUDI ARABIA - Mahigit 300 undocumented na Pilipino sa Jeddah ang dinala na sa deportation center at nagbabaka-sakaling mapayagan na mabigyan ng exit visa upang makauwi na sa Pilipinas.

Sa deportation center sa Shumaisy sa Jeddah ipo-proseso ang kanilang dokumento at aalamin kung sila ba ay mabibigyan ng exit visa ng gobyerno ng Saudi Arabia. 

Isa sa mga umaasa ay si Janet Malinao na 8 taon naging undocumented sa Saudi Arabia.

“Sana po makauwi at ma-exi-tan ngayon. Magpe-penalty daw po, wala naman kaming permanenteng trabaho,” kwento ni Malinao.

Si Elizabeth Yema, 6 na taong nag TNT ay takot sa parusang pagkakulong at pagmumulta kapag hindi siya nakasama sa amnesty.

“Sabi may kulong, magbabayad ng 10,000 to 15,000 riyal, ganon. Kaya uwi na lang kami,” sabi niya.

Ilan lamang sila sa inaasahang 5,000 undocumented Filipinos dito sa Jeddah. Sari-saring problema ang kanilang naranasan kaya sila naging undocumented. 

Sa kabuuan, may 3,800 na ang nagpalista nang simulan ang amnesty noong March 29 at 475 dito ang nabigyan na ng exit visa habang 104 naman ang mga nakauwi na sa Pilipinas. 

Apat sa bawat 10 application for amnesty o 40 porsyento ang denied ng exit visa. Iba-ibang problema ang kinakaharap ng mga TNT.

“Kalimitan sa nga problema ay may labor case, may police case, merong mga sasakyan na hindi na-clear,” pahayag ni Consul Rodney Sumague ng Philippine Consulate General sa Jeddah.
 
Ang mga bata, kailangan din ma-DNA kasama ang magulang kung walang maipakitang Saudi birth certificate na issued ng Civil Affairs Office.

“Yung mga walk-in at gustong pumunta ng deretso, puwede na siyang pumunta doon although ang ating paalala lang sa kanila, kasi sa isang linggo, may ibinibigay na schedule sa bawat country, sa isang lahi. Ngayon, katulad nito, Miyerkoles, ito ang ibinigay na araw sa atin,” dagdag pa ni Sumague.
 
Paalala ng Konsulado, maging mahinahon at habaan ang pasensiya. Hindi daw kontrolado ng Konsulado ang lahat ng repatriation process. Huwag na rin daw hintayin pa ang mga huling araw ng amnesty at baka maudlot pa ang planong makauwi sa Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.