OFW, balak kasuhan ang ahensiya matapos maabuso sa Saudi

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2017 12:36 AM

MANILA – Balak kasuhan ng isang overseas Filipino worker (OFW) ang employment agency na nagpadala sa kanya sa Saudi Arabia, matapos umano siyang makaranas doon ng matinding pang-aabuso.

Ayon sa household service worker na si “Marian” (hindi niya tunay na pangalan), binugbog, minolestiya, ginutom, pinagpasapasahan sa iba’t ibang amo, at muntik na umano siyang maging biktima ng gang rape, bago siya nakauwi sa Pilipinas.

Giit niya, hindi siya tinulungan ng kanyang ahensiya, kahit sa mga sandaling siya ay nagipit.

Noong Abril 18 nakauwi si Marian mula sa Saudi Arabia, gamit ang sariling pera.

Kwento niya, nang umalis siya noong nakaraang taon papuntang Al-Robaegh sa Buraydah, Saudi Arabia, minalas na siya sa kaniyang amo.

“Masyadong malupit sila…walang gamot, walang pagkain po lahat. Lahat ng karapatan na pinirmahan ko sa kontrata, hindi po nila sinusunod,” ani Marian.

Pahirapan din umano ang pagkuha ng sweldo. 

“Yung mga kopya ko ng mga [dokumento sa] POLO (Philippine Overseas Labor Office) [at] embassy, pinagtatapon nila. Halos iyong iba kong gamit, pinagtatapon nila para ‘di ako maka-contact sa pamilya ko…pinakulong po nila ako…sinabi nagnakaw ako ng gold at malaking halaga,” aniya.

Umabot daw siya ng apat hanggang limang araw sa kulungan, at paglabas ay nag-aabang na sa kanya ang pangalawa niyang employer.

Dito na si Marian nakahingi ng tulong, gamit ang Facebook, sa pamilya, mga kaibigan, at ahensiya, pero nagtagal ay ibinenta siya ulit sa pangatlong amo.

Ayon kay Marian, halos araw-araw ay hinipuan siya sa maselang bahagi ng katawan ng lalaki niyang amo. Kahit sa gabi ay nilalapitan siya umano, habang siya ay natutulog na, at hindi siya pinaniwalaan ng asawa nito nang magsumbong siya.

Tumawag pa umano ang asawa ng kanyang amo ng apat na lalaki, at nagbantang dadalhin siya ng mga ito sa disyerto para doon umano gahasain. Nagtago na lang daw siya sa palikuran.

“Ang CR ko polidong bakal, so bago nila mabuksan iyon, talagang tutungkabin nila. Ako ang nag-request na tumawag ng pulis para lumabas ako sa CR. Paglabas ko sa CR at dumating ang pulis, sinaktan ako. Dinibdiban ako nung isa. Nung isa hinampas ako dito sa balikat, kinaldkad ako,” aniya.

“Nung una lumalaban ako, pero naisip ko, muubos ang lakas ko sa kanila kasi tatlong pulis sumasaktan sa akin.”

Ayon kay Marian, sinaktan siya ng mga pulis dahil binaliktad ng kanyang mga amo ang kwento sa kanya. Kinapkapan daw siya ng mga pulis, kahit bawal sa kanila iyon, at pinaluhod siya sa lupa.

Muli daw siyang nakulong, at kinabukasan ay tinubos siya ng pangalawang amo. Kalaunan, ay ibinenta ulit siya nito sa pang-apat na amo.

Pinayagan siya ng huling amo na umuwi, matapos araw-araw na magmakaawa, at mangakong babalik.

Na-trauma daw siya sa nangyari, at naiiyak pa rin hanggang ngayon kapag naaalala ang naranasan sa Saudi.

Galit din ang kapwa household service worker ni Marian na si “Emma”, na kasama rin niyang umalis sa Saudi. Hindi katulad ni Marian, si Emma ay sinuwerteng napunta sa mabait na amo.

“Wala silang aksyon puro lang sila salita,” ani Emma tungkol sa ahensiya nila ni Marian.

“Ang amo ko gumawa ng paraan para matulungan ang kaibigan ko. Eleven kaming pumunta doon, ilan lang kaming natira, apat...Lahat iyon pinagmalupitan, iyong mga umuwi. Sinaktan pa ng agency doon, kinasuhan pa. Eh ‘di naman makareklamo.”

Dahil dito ay nagsampa ng reklamo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) si Marian, laban sa kaniyang employment agency.

Ayon sa POEA, mayroon nang anim na kasong nakasampa laban sa ahensiya. Iyon nga lang, valid pa rin ang lisensiya nito.

“These cases are still pending, hindi pa nade-determine that there is substantial evidence to merit liability against the recruitment agency...Pero may mga cases na during the pendency of the recruitment violation case, nagi-impose ng preventive suspension ang administration,” ani abogadong si Arleen Basas, director sa licensing and regulation office ng POEA.

Dagdag niya, kung malakas ang ebidensiyang may sala ang ahensiya, at may makikitang magdudulot ng exploitation ang pagpapatuloy na operasyon ng ahensiya ay maaari itong isuspinde.

Giit ng POEA, hindi tamang basta-bastang iwan nalang sa ere ng mga ahensiya ang mga pinapadalang household service worker, dahil responsibilidad nila ang kaligtasan ng mga ito.

Oras na mapatunayang nagkulang ang ahensiya ay puwedeng ipasuspinde ang kanilang lisensya.

Nakahanda rin daw ang POEA na tulungan si Marian, para mapanagot hindi lang ang ahensiya dito sa Pilipinas, kung hindi pati na ang mga ahensiyang nasa Saudi, at ang mga among pinagpasapasahan siya.

Sinubukan ng ABS-CBN News na makuha ang panig ng employment agency, ngunit tumanggi itong magsalita.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.