2 Pinoy na namatay sa Abu Dhabi, hindi makakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2017 12:01 AM

DUBAI - Lumabas na ang police report sa aksidenteng kinasangkutan ng anim na Pilipino mula Dubai kung saan apat sa kanila ay nasawi at dalawa ang nasugatan noong Biyernes Santo sa Al Shahama sa Abu Dhabi.

Ayon kay Consul General Paul Raymund Cortes ng Philippine Consulate in Dubai and Northern Emirates, nasiraan ang sasakyan lulan ng mga Pilipino sa kalagitnaan o pangatlong lane ng highway. 

“The four of them went down from the vehicle to check whatever it was and then an incoming vehicle hit the car and threw them aside. I think that caused their deaths. But of course, we have to wait for the medical report to exactly know the cause but as far as the police are concerned that clearly what has happened,” sabi ni Cortes.

Taliwas ito sa unang nabalitang nakatabi sa shoulder lane ang sasakyan matapos pumutok ang gulong bago nabundol ng parating na isa pang sasakyan na minamaneho ng isang dayuhan.

Nakilala ang mga nasawi na sina Veronica Dulay, 39; Paulo Paraiso, 33; at Marvin Mendoza, 27; at Lord Christian Asuncion Elli, 29. 

Sugatan naman sina Mary Ann Mendoza na kapatid ni Marvin at kasintahan ni Paraiso at si Ana Paula Paulino na parehong nagpapagaling ngayon sa Al Rahba Hospital sa Abu Dhabi.

“The six Filipinos all work and live in Dubai and the embassy and consulate are coordinating their efforts to reach out to their families and their employers, as well pertinent to the shifting of their remains for the four who died and for the other two who remained to be in the hospital,” dagdag ni Cortes.
 
Ayon kay Cortes, maliban sa pagpapauwi ng mga labi ng nasawi, sila at ang embahada ay nakikipag-usap na rin sa employers para sa mga bayarang kaugnay sa mga biktima.

Ayon naman kay Labor Attache Felicitas Bay ng Philippine Overseas Labor Office, dalawa lang sa apat ang maaaring makatanggap ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno dahil paso at walang OWWA membership record ang dalawa pang biktima.

“Ito ay aksidente, meron iyang death benefit na P200,000 at meron ding funeral expenses na P20,000. Of course, OWWA will require the submission of documentary requirements,” paliwanag ni Bay.

Kasalukuyang nakikipag-tulungan na ang mga kamag-anak ng mga biktima sa embahada sa Abu Dhabi, sa konsulado, maging sa POLO sa Dubai, at Northern Emirates para dito.