OFW sa Saudi, pinainom ng household bleach ng amo

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 06:39 PM | Updated as of Apr 16 2018 09:34 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isang overseas Filipino worker (OFW) ang kasalukuyang nagpapagaling sa ospital sa Saudi Arabia matapos maoperahan nang painumin umano ng kaniyang amo ng household bleach.

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na binabantayan ng Philippine Consulate General sa Jeddah ang kalagayan ni Agnes Mancilla, isang household service worker na ngayo'y nasa intensive care unit ng King Fahad Central Hospital sa lungsod ng Jizan.

“We would like to assure our kababayans that we are working closely with authorities in Jizan to make sure that justice will be given to Agnes Mancilla,” sabi ni Consul General Edgar Badajos sa pahayag na inilabas ng DFA nitong Lunes.

Isinugod sa ospital ng mga kapwa Pinoy ang anila ay walang malay na si Mancilla noong Abril 2 matapos siyang painumin ng kaniyang amo ng bleach.

Sumailalim sa laparotomy si Mancilla para matanggal ang bleach sa kaniyang bituka. Nakitaan din ng mga doktor ang biktima ng mga paso sa likod.

Tiniyak naman ng DFA na nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga awtoridad sa Saudi Arabia para mapanagot ang babaeng amo, na ngayo'y hawak ng pulisya.

“The Consulate will regularly send representatives to Jizan to follow up her case with the police and to look into her condition,” ani Badajos.

Tubong Infanta, Quezon ang 35 anyos na si Mancilla.

Dumating siya sa Saudi Arabia noong 2016 para mamasukan bilang kasambahay at matustusan ang pangangailangan ng kaniyang anak at magulang.

Papupuntahin din sa Saudi Arabia ang anak at mga magulang ng biktima.

-- May ulat ni Sherwin Zuñiga, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.