4 na Pinoy patay sa aksidente sa Abu Dhabi

Rachel Salinel, ABS-CBN Middle East Bureau

Posted at Apr 16 2017 03:24 AM | Updated as of Apr 16 2017 04:28 AM

ABU DHABI (UPDATED/CORRECTED) — Apat na Pilipino ang nasawi sa isang aksidente sa Abu Dhabi sa kalagitnaan ng Visita Iglesia.

Kabilang sa nasawi ay sina Veronica Dulay, Daniel Paulo Paraiso, Ian Elli at Marvin Mendoza.

Samantalang naka-confine sa isang pagamutan ang kapatid ni Paraiso na si Ana Paula at kapatid ni Mendoza na si Mary Ann.

Sa unang impormasyon, nasabugan ng gulong umano ang sinasakyan ng magkakaibigan Biyernes ng umaga sa Al Shahama dito.

Bumaba ang driver na si Dulay kasama sina Daniel, Marvin at Ian Elli para tingnan ang pumutok na gulong habang naiwan ang mga kasama sa loob ng sasakyan.

Saktong may mabilis na sasakyan sa likod na siya namang bumangga sa apat at sa kanilang nakaparadang sasakyan.

Kasalukuyang nasa morgue ng Khalifa Hospital ang mga labi ng apat. Naulat na tinakbo rin sa hospital ang nakabanga sa kanila.

Iniimbestigahan na ang aksidente ng mga awtoridad dito. Nakikipagtulungan na ang Embahada ng Pilipinas, Konsulado ng Pilipinas sa Dubai at ilang organisasyon ng mga Pilipino sa United Arab Emirates sa kaanak ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.