PAO: Pardon kay Mary Jane Veloso, dapat lakarin na

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2017 05:38 PM

Mary Jane Veloso. AFP

Iginiit ni Public Attorney's Office chief Persida Acosta na lakarin na ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mabigyan ng pardon ang Pinay na si Mary Jane Veloso na nasa death row sa Indonesia dahil sa droga.
    
Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Acosta na sana ay mabigyan ng pardon si Veloso para mapalaya na rin ang itinuturong mga illegal recruiter nito na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao.

“Ang ating pakiusap sa ating mga kababayan, sa DFA, tayo’y magkaisa na ipa-pardon na si MJ,” sabi ni Acosta. 

Matatandaang pinigil ng Court of Appeals ang mga state prosecutor ng Nueva Ecija Regional Trial Court na magtungo sa Indonesia para kunan ng deposition si Veloso laban sa kanyang mga recruiter.

Mga taga-PAO na tumatayong abogado nina Sergio at Lacanilao ang naghain ng naturang petisyon sa appellate court para maglabas ng temporary restraining order laban sa desisyon ng Nueva Ecija RTC.

Naninindigan si Acosta na inosente ang mga inaakusahan kaya dapat na rin aniya silang palayain. 

“Magdadalawang taon na ang kasong ito hanggang ngayon wala namang napapatunayan solid na ebidensiya ang prosekusyon dito against Sergio at Lacanilao,” sabi ni Acosta.

Hinihiling din ni Acosta sa mga Pilipino na huwag basta magbitbit ng gamit ng iba.

“Nananawagan ako sa mga kababayan natin na maghanap buhay kayo ng tama hindi yung magbitbit ng bagahe ng hindi nyo alam kung kanino ibibigay, hindi nyo naman kilala kung sino pagaabutan,” sabi ni Acosta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.