Pinoy dancers, wagi sa dance competition sa Russia

Niel Caburnay Tero, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Mar 13 2018 04:18 PM | Updated as of Mar 13 2018 11:14 PM

MOSCOW, Russia - Ibinida ng Tarlac State University (TSU) ang mga ethnic at traditional na sayaw sa Pilipinas sa European Artistic Dance Championships of the World Artistic Dance Federation o WADF.

Ito ang ika-limang pagkakataon na ginanap ang championship sa Moscow, noong Marso 9-11, 2018, at pangatlong beses na sumali ang grupo.

Tarlac State University Performing Dance Troupe singing the Philippine National Anthem during the awarding of the European Artistic Dance Championships of the World Artistic Dance Federation in Moscow, Russia. Niel Caburnay Tero, ABS-CBN Europe News Bureau

Layunin ng WADF na mabigyan ng pagkakataon ang mga non-professional dancers na mahasa ang kanilang talento at makasalamuha ng mga kapwa dance enthusiasts mula sa iba’t-ibang bansa.

Pinatunayan ng TSU Performing Arts Dance Troupe na talaga namang umaapaw sa talento ang mga Pilipino nang masungkit ang gold awards sa choreographed traditional dance sa WADF.

Tampok ang yaman at kultura ng Pilipinas sa kanilang ethno dance routine at nakipagsabayan sa ibang grupo mula sa 20 bansa.

Napahanga si Sylvester Sofethelo, isa sa mga hurado na taga-South Africa, sa performance ng grupo.

“What I can say is that I love what they do. They show their culture and they are preserving it. Their performance was wow. It’s very synchronized, on point, flawless and that’s really what we needed,” sabi ni Sofethelo.

The Tarlac State University Performing Dance Troupe performing “Binasuan”. Neil Caburnay Tero, ABS-CBN Europe News Bureau

“Masayang-masaya kasi kahit papaano, nakapagbigay kami ng karangalan sa bansa natin,” pahayag ni Professor Marcelino Balanquit, head ng Culture and The Arts ng TSU. 

Tuwang-tuwa at ipinagmamalaki ng dancers nang humakot sila ng awards mula sa ibang category katulad ng Tinikling, Binasuan, Maglalatik, Amaemaeyatoc, Ragragsakan, Bumayah, and Salawahan (Creative Dance).

“Unang-una, yung culture namin, ipinagmamalaki namin na hindi nagpapahuli ang culture ng Philippines sa ibang bansa. At isa pa, yung passion ng bawat Pilipino sa ano man ang ginagawa nila,” dagdag ni Hedda Andre Sanchez, isa sa dancer ng TSU Performing Arts Dance Troupe.

Ang tagumpay ng Tarlac State University Performing Dance Troupe ay patunay sa galing at world-class talent ng mga Pilipino na kayang makipag-sabayan sa ibang lahi saan mang sulok ng mundo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.