Pinoy exchange students, welcome sa Russia

Niel Caburnay Tero, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Feb 17 2018 08:31 PM

Courtesy of Lomonosov Moscow State University website

MOSCOW—Naghigpit man ang gobyerno ng Russia sa pagpasok ng mga Pilipinong household service worker sa bansa, maluwag namang tinatanggap ang mga Pinoy exchange students. 

Taun-taon ay nagbibigay ang gobyerno ng Russia ng scholarship sa mga kabataang Pinoy na interesadong mag-aral sa kanilang bansa.

Nabigyan ng pagkakataon si Jzan Lo at Farrah Marguirette Espejo at iba pang scholars na makapag-aral sa mga prestihiyosong university sa Moscow at St. Petersburg. Para sa kanila, napakataas ng kalidad ng edukasyon sa Russia kaya naman dito nila napiling makapagtapos.

“Sa totoo lang 'pag mag-aral dito, exciting siya kasi lahat ng courses namin ay exclusively in Russian. Ang mahirap lang 'yung minor details, kumbaga sa kultura nila,” sabi ni Lo.

Full scholar si Lo na kumukuha ng masteral sa linguistics, habang si Espejo naman ay nag-aaral ng international relations.

“So far, sobrang fun naman 'yung experience. Parang bago siyang adventure kasi it’s a different country with different people na sobrang iba sa mga Pinoy,” sabi ni Espejo.

Sa kasalukuyan, may 6 na estudyanteng Pinoy sa Russia at 4 sa kanila ang nakakuha ng full scholarship at malapit nang magsipagtapos. 

Mababa ang bilang ng mga Filipino exchange students dahil sa language barrier, kakulangan ng information at availability ng scholarship. 

“It’s a beautiful country. It has wonderful culture, napaka-musical ng salita nila. Consider your options. Ang balita ko, maganda 'yung programs nila when it comes to science and technology,” dagdag pa ni Lo.

Pinatunayan ng mga iskolar na hindi hadlang ang lengguwahe sa pag-aaral. Patunay dito si Shyatesa Razo na nakatanggap ng Red Diploma o katumbas ng highest honors Hunyo noong isang taon. 

Positibo naman si Ambassador Carlos Sorreta na dadami pa ang mga Pinoy na mabibigyan ng pagkakataon na makapag-aral sa Russia at mapagbuti ang people-to-people exchanges ng 2 bansa.

“We are hoping na we will get more Filipinos to avail of the scholarships offered by the Russian government. Hindi lang mga university ang nagbibigay ng scholarship. 'Yung mga ahensya po like sa agriculture, sa defense, sa trade ay nagbibigay din po ng scholarships para sa experts, para sa mga technicians,” sabi ni Sorreta.

Maraming internasyonal na unibersidad at organisasyon sa Russia, sa tulong na rin ng embassy, ang patuloy na nanghihikayat sa Filipino students na mag-apply ng scholarship sa iba-ibang study programs.

“We are very pleased and we wish to have more students that are interested in science and engaged in the Academy of Sciences and in the RUDN, too. Therefore, we would like to see such students as much as possible from the Philippines,” ayon kay Elena Pakina, isang Russian professor.

Ang gobyerno ng Pilipinas at iba pang mga organisasyong pang-edukasyon ay patuloy na nagsisikap upang maitaas ang antas at sistema ng edukasyon para sa mga Pilipino. Target ng mga institusyon na magbigay ng scholarship, grant at subsidyo sa mga mag-aaral.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.