Ilang OFW sa Saudi na problemado sa pera, gusto nang umuwi

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 07:57 PM

Gusto nang umuwi sa Pilipinas ng mahigit 200 na overseas Filipino workers na stranded sa Jeddah dahil wala na silang pantustos sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Naaantala na umano ang kanilang sahod at allowance, at wala na rin umano silang malilipatan kahit gustuhin nilang magtrabaho pa.

Nagkakaproblema na rin ang ilang OFWs sa kanilang pamilya sa Pilipinas.

Ang ilan naman sa kanila, nagbabalak nang magbenta ng sariling dugo para may maipadala sa pamilya.

Ayon sa mga stranded na OFWs, hindi bale na sila ang magutom sa ibang bansa, huwag lang ang kanilang pamilya.

Tuloy-tuloy naman ang ayuda ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) at ng konsulado. 
    
Binibigyan ang mga stranded na OFWs ng relief goods habang hindi pa sila nakakauwi.

Ayon naman kay James Mendiola, welfare officer ng OWWA Jeddah, patuloy nilang idudulog na makuha ng OFWs ang lahat ng benepisyo bago umuwi sa Pilipinas.

Hindi na bago ang ganitong sitwasyon sa Saudi Arabia. 

Unti-unti na kasing nararamdaman ng mga expat sa bansa ang hirap ng buhay dahil na rin sa pagtaas ng bilihin, pagsara o pagbawas ng trabahador ng ibang kumpanya, at ang epekto ng 'Saudization.'
    
--Ulat ni Charles Tabbu, ABS-CBN News, Jeddah

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.