Balik manggagawa, pinag-aaralan kung isasali sa total ban sa Kuwait

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 12:15 PM

Pinag-aaralan na rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang posibilidad na isama sa total deployment ban sa Kuwait ang mga balik manggagawa o returning workers.

"Noong una, we were prepared to allow them to go back kaya lang uso ngayon ang fake balik manggagawa," pahayag ni kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Ayon kay Bello, magpupulong sila ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para talakayin ito.

"Para matiyak namin na yung balik manggagawa ay talagang balik manggagawa hindi pekeng manggagawa," sabi ni Bello.

Sinabi naman ni Dr. Celerino Umandap ng AKO-OFW sa Kuwait, maraming Pilipino na ang nangangamba hinggil sa ban at sa posibilidad na hindi na pabalikin maging ang mga OFW na nagbabakasyon lamang sa Pilipinas.

Marami na rin umanong kumakalat na iba't-ibang interpretasyon tungkol sa ban na lalong nakadadagdag sa gulo para sa mga OFW sa Kuwait.

"Kaya gusto sana namin para hindi na po maging magulo at pabago-bago ang instructions, linawin na," sabi ni Umandap.

Dagdag niya, online na ang sistema ng Balik Manggagawa.

"Kaya pag kami ay nagbabakasyon sa Pilipinas at babalik sa Kuwait ang ibinibigay lang namin diyan ay yung exemption number. Nasa system ng immigration kaya imposibleng maging fake pa yun," sabi niya.

Pero nanindigan naman si Bello na talagang nagagawan ng paraan ng mga kawatan gawing peke ito.

"May paraan palagi para mag-peke. Maniwala kayo sa akin. Kahit online, hindi po yun garantisado. Ingenious ang ating mga illegal recruiter," sabi ni Bello.

Nakiusap din si Bello sa lahat ng apektadong Pilipino sa Kuwait ng kaunti pang pagunawa.

"Magtiis lang ng isa o dalawang araw, lalabas na rin ang guidelines natin," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.