11 OFW sa Jeddah, 'nawala sa katinuan'

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 10:13 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ikinaaalarma ng Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah ang naitalang 11 distressed overseas Filipino worker (OFW) na nawala sa katinuan.

Ito na ang pinakamaraming ganitong kasong naitala ng konsulado roon.

Ayon kay Consul Rodney Jonas Sumague ng konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, nasa pangangalaga nila ngayon ang 11 natukoy na OFW.

"Nabigyan na sila ng paunang lunas, pero sa ngayon hindi pa rin sila ina-admit doon sa hospital na iyon, sa mental health facility. So ngayon ay nasa pangangalaga pa rin sila ng konsulado," ani Sumague.

Iba-iba ang kuwento ng mga OFW.

Ilan sa kanila, mismong employer ang dumulog ukol sa estado ng pag-iisip ng OFW.

"Ang employer na mismo ang tumawag na 'yung shagala (housemaid) daw niya, nasiraan na daw ng bait. Kung ano-ano na lang daw ang sinasabi," kuwento ng Kaagapay Coordinator na si Gerwin Sundungan.

Sa ngayon, mayroong 140 na mga babaeng distressed OFW sa Bantay Kalinga ng Jeddah. 

Paliwanag ni Veronica Filipinas presidente ng Philippine Nurses Association-Jeddah, maraming maaaring makaapekto sa katinuan ng isang tao tulad pang-aabusong pisikal at seksuwal at kakulangan sa kain o tulog.

"'Yong mental illness, actually ay unknown 'yong causes. Pero marami ang contributing factors like environmental, psychological," paliwanag ni Filipinas.
        
Ayon naman sa Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) at konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, karamihan sa mga nawalan ng katinuan ay mga baguhan at wala pang isang taon sa trabaho. 

Pero hindi daw sapat na basehan ang obserbasyong ito dahil kailangan pa silang masuri ng isang eksperto.

"Kailangan ng expert o doctor para matukoy kung ano talaga ang nag-trigger sa kanila," ani Sumague.

Humihingi na ng tulong ang POLO-OWWA at konsulado sa gobyerno para sa agarang pagpapadala ng medical team na makakatulong sa pangangalaga at pagbibigay-lunas sa mga OFW.

"Kung puwede ay may maipadala sila rin dito na medical team para makatulong sa pangangalaga at sa pagpapagaling.... itong ating kababayan," panawagan ni Sumague.

Rekomendasyon din ng konsulado na paigtingin ang screening at suriing mabuti ang mga OFW na papunta sa gitnang silangan lalo na sa Saudi Arabia. -- Ulat nina Charles Tabbu at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.