Mobile app para sa OFWs, inilunsad

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 01:24 AM

Maaaring idownload ang OFW Watch sa App Store at Google Play.

DAVAO CITY - Inilunsad ang isang mobile application na layong tulungan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa iba't ibang panig ng mundo.

Sa gitna ng mga naiulat na mga kaso ng pagmamaltrato sa mga OFWs, inilunsad ang OFW Watch na maaaring magamit upang malaman ang lokasyon ng mga kasamahang Pinoy sa paligid.

Mayroon din itong SOS feature kung saan pwedeng maipahiwatig ng OFW kung nalalagay sila sa peligro.

Ayon sa developers ng app, ito ang magsisilbing boses at tainga ng mga OFW kaugnay ng kanilang sitwasyon.

Maaaring idownload ang OFW Watch sa App Store at Google Play.

Inspirasyon ni Myrna Padilla, presidente ng na non-government organization na OFW Watch, ang karanasan niya bilang OFW noong siya ay namamasukan bilang isang domestic helper.

Ayon sa kanya, nakita niya ang social media upang maging instrumento na marinig ang hinaing ng mga OFW.

"Ang mga programmers namin unsaon nato paggamit ang social media and the mobile technology so that we can empower OFWs," aniya.

(Ang mga programers natin nag-isip kung papaano magamit ang social media at mobile technology upang i-empower ang mga OFW.)

Suportado ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang mamonitor din nila ang kalagayan ng mga manggagawang Pinoy sa labas ng bansa.

Ayon kay DOLE Undersecretary Joel Maglungsod, malaki itong tulong upang ma-trace ang mga illegal recruiters.

Nauna ng inilunsad ang mobile app noong Enero 2017 sa Hong Kong, kung saan sa loob ng isang taon ay pinag-aralan nila kung papaano mapabuti ang app bago ito malaunch sa buong mundo.

Magkaugnay ang OFW Watch, DOLE, at Overseas Workers Welfare Administration sa paglulunsad ng mobile app.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.