OFW sa Riyadh, na-trauma matapos sakalin ng customer

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 02:17 PM | Updated as of Feb 01 2018 02:37 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Malaking trauma ang inabot ng isang overseas Filipino worker sa Riyadh, Saudi Arabia matapos na sakalin ng isang customer sa pinagtatrabahuhang fastfood chain.

Takot ang namamayani kay Jonathan Estil Reyes, shift manager sa fastfood chain, sa tuwing papasok sa trabaho matapos ang insidente ng pananakal ng isang customer noong Enero 23.

Kuwento niya, umorder ng pagkain sa kasamang crew ang isang Arabo. Siya ang nag-assemble at nag-abot ng pagkain nito.

"After noon, umakyat siya para kumain then pagbaba niya nagulat ako bigla akong sinakal, hinatak ako," ani Reyes.

Nakuhanan pa ng CCTV ang buong pangyayari, kung saan nakitang bigla na lang siyang pinagsasakal ng customer matapos ilapag ang tray nito sa counter.

"Ang translate sa akin ng Saudi kong crew, tinuturo n'ya 'yung chicken. May dura daw po. Although half consumed na pagkain n'ya, gusto niyang ibalik pera n'ya," sabi ni Reyes.

Paliwanag nila na malabong magkaroon ng dura sa pagkain dahil may mga CCTV sila mula sa paghahanda ng pagkain hanggang sa paglabas nito.

Hindi na nagawa pang magreklamo sa pulisya si Reyes hinggil sa pangyayari.

"Ang sabi sa akin, 'wag na raw papapuntahin dito 'yung customer na 'yun. 'Pag um-order, 'wag na pong kunin ang order kasi parang mentally unstable siya," sabi niya. 

"Ang gusto ko pong mangyari, pauwiin na lang po ako sa Pinas, makasama ko nanay ko. Takot na takot na talaga ako dito," aniya.

Inilapit ng ina ni Reyes ang pangyayari sa programang Lingkod Kapamilya sa DZMM para sa agarang pagpapauwi sa kanyang anak.

"Nag-iisang anak ko na lang 'yan. Minsan na akong nawalan ng anak. Siya na lang po 'yung natitira," pag-aalala ni Jacqueline Reyes sa anak.

Apat na buwan pa lamang sa Riyadh si Reyes matapos na iwan ang trabaho sa Pilipinas bilang manager din ng isang foreign franchise fastfood chain. Nag-abroad siya para makatulong sa kanyang ina.

"Kung walang umawat na crew n'ya, 'di ko na alam kung anong mangyayari sa anak ko. Baka mapatay nang 'di oras na walang kalaban-laban," sabi ng kanyang ina.

Ngunit hindi natapos sa pananakal ng customer ang dinanas ni Reyes.

"Mayroon pa siyang second attack. 'Yung isang video n'ya na babatuhin siya ng tumbler," kuwento ng ina.

Samantala, nangako naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na gagawin ang lahat para sa agarang pagpapauwi kay Reyes.

"Gagawin po natin ang lahat para mapauwi ang anak ninyo. May mga proseso po. Huwag lang po kayong mainip pero sisiguraduhin nating mapapauwi ang anak ninyo," ayon kay Welfare Officer Josephine Sanchez-Tobia.

Nagpadala na anya sila ng komunikasyon sa Philippine Overseas Labor Office para maialis na si Reyes sa kanyang kinalalagyan at maayos ang kayang pagpapauwi sa Pilipinas.

Bukod dito, inirereklamo rin ni Reyes ang hindi pagbibigay sa kanila ng day-off at hindi pagbabayad ng overtime pay ng kumpanya.