Ilang mga Pinoy sa US, apektado ng gov't shutdown

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 07:24 PM

Ilang mga Pinoy sa Amerika ang dumaraing matapos magkaroon ng government shutdown dahil sa pagkabigong magpasa ng budget ng kanilang Kongreso. 

 
Isa na dito ang federal worker na si Margie Gonzalez, na hindi naman binanggit kung saang sangay ng gobyerno nagtatrabaho.
 
"All of us are not gonna get paid. Because we don't know when we are gonna have a budget, but essential employees have to report to work," hinaing ni Gonzalez.

Ang mga "essential" employees ay mga may trabahong may kinalaman sa kaligtasan at seguridad. Sila ay kinakailangang mag-report sa trabaho nang walang kasiguruhan kung bayad o hindi. 
 
Ayon kay Gonzalez, marami siyang Pinoy na katrabaho at lahat sila ay nagsasama-sama sa tuwing magkakaroon ng government shutdown, gaya noong 2013. 
 
"In 2013, what we did in-identify namin 'yung mga employees [and] we started donating... Gumawa sila ng mga lists ng mga kailangan nila tulad ng diapers, cereals, maybe vitamins ng mga bata," kuwento ni Gonzalez.

Giit niya, mahalaga na ang mga Republican at Democrat na mambabatas ay magkasundo na dahil maraming apektadong empleyado.
 
"Pag hindi ka sumweldo, hindi mo alam kung saan ka kukuha ng pambayad ng mortgage mo o pambayad ng renta mo. Yes, it's on going now," ani Gonzalez.

-- Ulat ni Bev Llorente, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.