2017 YEARENDER

Na-hazing, nagahasa, na-chop-chop

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 04:05 PM | Updated as of Dec 29 2017 07:03 PM

Bagaman patuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga at kriminalidad, hindi pa rin tuluyang nawala ang mga kuwento ng krimen sa taong 2017.

Narito ang ilang kuwentong krimen na gumimbal sa bayan, at tinutukan ng bansa sa taong 2017.

'Trip-trip lang': Bulacan Massacre

Noong Hunyo, minasaker ang tatlong bata at kanilang ina at lola sa loob ng kanilang bahay sa San Jose Del Monte, Bulacan.

TIMELINE: Masaker sa Bulacan

Natuklasan ng padre de pamilya, isang security guard, ang mga bangkay.

Kinilala ang pangunahing suspek bilang si Carmelino Ibañez, 26 anyos na construction worker.

Kasabwat nito sina alyas "Tony" at "Inggo".

Inamin ni Ibañez na "trip-trip lang" at nasa ilalim siya at ang mga umano ay kasabwat sa impluwensiya ng ilegal na droga nang mangyari ang krimen.

Pero binawi rin ni Ibañez ang pag-amin. Sinabi niyang pinagbantaan at pinahirapan lang siya ng mga pulis para akuin ang krimen.

Patay sa pananaksak si "Inggo" na itinuring na person of interest.

Dalawang persons of interest sa masaker ang pinatay. Ayon sa pulisya, maaaring ang ibang kasabwat sa krimen o mga vigilante ang pumatay sa mga ito.

Mga 'kababalaghan' sa sementeryo

Isang dalaga ang natagpuang patay matapos umanong pugutan ng kaniyang nobyo sa loob ng isang sementeryo sa Alicia, Isabela noong Hunyo.

Ayon sa ilang saksi, nagtatalo ang magkasintahan nang pumasok sa sementeryo. Nakita ring may hawak na patalim ang suspek habang papasok sa libingan.

Sinampahan ng kasong murder ang suspek na pinaghihinalaang may problema sa pag-iisip.

Sa isang sementeryo naman sa Mexico, Pampanga noong Setyembre, pinaghihinalaang ginahasa ang bangkay ng isang 17 anyos na babae.

Tumambad sa kaanak ng babae ang bangkay nito malayo sa nitso, walang nang saplot at nakataas ang paa.

Wala pang ulat kung natukoy na ang salarin.

Anak ng Mayor ng Batangas, binugbog sa hazing

Tadtad ng pasâ at mga pasò ng kandila ang katawan ng 18 anyos na anak ni Mayor Eulalio Alilio ng Lemery, Batangas matapos umano itong piliting sumalang sa initiation rites ng isang sorority.

BALIKAN: Estudyanteng binugbog sa hazing, anak ng mayor sa Batangas

Kuwento ni Cherry Alilio, ina ng biktimang si Coleen, sinimulang pilitin ang kaniyang anak ng isang kaklase sa Lyceum of the Philippines University sa Maynila na sumali sa Tau Gamma Sigma noong Disyembre.

Noong Enero 4, inutusan umano ng Tau Gamma Sigma si Coleen na pumunta sa isang abandonadong bahay sa Las Piñas at dinatnan doon ang 40 miyembro ng sorority.

Apat na babae umano ang salitang pumalo kay Coleen nang nasa 50 beses, gamit ang sinturon at kahoy. Pinasò rin umano siya habang sinasabunutan at sinasampal.

Na-confine sa ospital si Coleen dahil sa panghihina at labis na pananakit ng katawan.

Lumapit naman ang ilan pang estudyante ng LPU sa pamilya ng biktima para ibulgar na pinipilit din umano sila ng Tau Gamma Sigma na sumali sa kanilang samahan.

'Chop-chop'

Natagpuan ang putol-putol na bahagi ng katawan ng isang babae sa gilid ng kalsada sa may Trece Martires, Cavite noong Enero.

Isinako at inilagay pa ang mga bahagi sa isang kahong iniwan sa daanan.

Kinilala ang biktima bilang si Mitzi Joy Balunsay, mag-aaral sa Cavite State University.

Kinilala ang suspek na si Alvin De Los Angeles, kasamahan ng biktima sa teatro na umano'y nahumaling sa biktima.

Nagpanggap ang suspek na namatayan ng kaanak kaya sumama ang biktima rito.

Inamin ng suspek na sinakal at pinatay muna niya si Balunsay bago gahasain.

Sinampahan ng kasong murder si De Los Angeles.

Ginang, ginahasa ng bayaw sa harap ng mga anak

Ginahasa umano ng isang lalaki ang kaniyang hipag sa harap ng dalawang menor de edad na anak nito sa Minalabac, Camarines Sur.

Ikinuwento pa sa mga pulis ni "Jessa", limang taong gulang na anak ng biktima ang panggagahasa ng kaniyang tito sa kaniyang ina na si "Maria".

Ayon sa bata, hindi pa umuuwi ang kaniyang ama nang pumasok ang kanyang tito sa kanilang bahay noong gabi ng Enero 17.

Pinagbantaan aniya siya nitong huwag magsusumbong kahit kanino, sabay pagpapakita ng dalang baril.

Tatlong beses umanong ginahasa si Maria sa harap ng mga anak nito.

Nene, ginahasa, pinatay ng binatilyo

Natagpuan ang bangkay ng isang limang taong gulang na babae na nakasilid sa sako ng bigas at iniwan sa isang damuhan sa San Jose del Monte, Bulacan noong Hulyo.

Suspek sa pagpatay ang isang 13 anyos na binatilyo na kuya ng kalaro ng biktima.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, sinundan ng biktima ang suspek papasok sa bodega ng bahay nito.

Makalipas ang kalahating oras, lumabas ang binatilyo bitbit ang sako pero wala na ang biktima.

Tiningnan din sa kaso kung ginahasa ang biktima dahil sa sugat sa ari at puwitan.

Mag-ina, natagpuang patay sa Cavite

Natagpuang patay ang mag-inang sina Ruby Gamos at ang kaniyang pitong taong gulang na anak sa loob ng kanilang tahanan sa isang subdivision sa General Trias, Cavite noong Disyembre 11.

Ilang araw na kasi silang nawawala kaya sapilitang ipinabukas ng mga kaanak ang bahay.

Batay sa autopsy report ng doktor sa punerarya, namatay ang ina dahil sa traumatic injuries sa ulo habang asphyxia by suffocation naman ang ikinamatay ng bata.

Nilimas ang mga gamit sa loob ng bahay at tinangay ang kotse, na kalauna'y natagpuan sa tapat ng isang sementeryo sa Imus.

Ayon naman sa awtoridad, tila taktika lamang ng suspek na palabasing pagnanakaw ang motibo upang mailigaw ang imbestigasyon.

Labis ang pagdadalamhati ng padre de pamilyang si Marlon Gamos, isang seaman na agad umuwi sa bansa matapos malaman ang sinapit ng kaniyang mag-ina.

Nitong Disyembre 27, natukoy na ang suspek na kinilalang si Ruel Galvan Cabatingan, kababata at karelasyon umano ni Ruby.

Sumuko na sa kinauukulan si Cabatingan at hindi itinanggi ang kaniyang nagawang krimen.

Rape-slay sa Pasig

Natagpuan noong Nobyembre 12 ang halos hubad na bangkay ng isang 22 anyos na empleyada ng bangko sa isang abandonadong office building, ilang metro mula sa kaniyang bahay.

Kinilala ang biktima bilang si Mabel Cama, na huling nakita noong gabi ng Nobyembre 10 na kumakatok sa gate ng kaniyang residential compound sa Ortigas Avenue Extension.

Napag-alamang ginahasa rin ang biktima.

Ilang oras bago matagpuan ang bangkay, may nagtangka umanong sumunog sa gusali subalit agad rumesponde ang mga residente.

Inaresto ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Cama na si Randy Oavenada, isang epleyado at residente ng office building.

Dalagitang naglalakad pauwi, ginahasa, pinatay

Natagpuang patay ang isang 15 anyos na dalagita sa Tigaon, Camarines Sur noong Disyembre 8.

Nakabukas ang uniporme at wala nang pang-ibaba ang bangkay ng dalagita nang makita sa mga taniman ng saging.

Disyembre 6 umano huling nakita ang biktima pauwi sa kanilang bahay.

Karaniwang inaabot ng tatlong oras ang paglalakad ng dalagita para makapag-aral.

Lumabas din sa autopsy report na ginahasa at sinakal ang biktima.

Hindi pa natutukoy ng pulisya ang salarin.

Read our 2017 Yearend specials