Babaeng nasawi sa Mandaluyong shooting, nagpositibo sa paraffin test

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2017 06:08 PM | Updated as of Jan 01 2018 08:28 PM

Sampung sangkot sa barilan sa Mandaluyong noong Huwebes, kabilang ang babaeng nasawi na si Jonalyn Amba-an, ang nag-positibo sa paraffin test na isinagawa ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay National Capital Region Police Office Director Chief Superintendent Oscar Albayalde, 10 ang nagpositibo sa paraffin test kabilang si Amba-an, isa sa mga kasamahan niya, dalawa mula sa grupong nanlinlang sa mga awtoridad, dalawang barangay tanod, at apat na pulis-Mandaluyong.

"It seems na talagang mayroong nagbarilan o nag-scuffle ng baril bago nagkahabulan," pahayag ni Albayalde.

Si Amba-an ang lulan ng sasakyang niratrat ng mga barangay tanod at pulis sa Barangay Addition Hills sa pag-aakalang ito ang getaway vehicle ng suspek.

Nagpositibo rin si Mhury Jomar, isa sa tatlong kasama ni Amba-an sa sasakyan nang papasugod sa ospital.

Dalawa naman mula sa grupo ng mga suspek, na itinuturong nanlinlang sa mga awtoridad para paputukan ang sasakyan nina Amba-an, ang nagpositibo.

Bago kasi ang insidente, nagkaroon ng away sa pagitan ng mga grupo nina Abdurakman Alfin at Eliseo Aluad, na live-in partner ni Amba-an.

Humingi ng tulong ang grupo ni Alfin sa mga tanod na humabol naman sa sinasakyan ng biktima.

Hindi naman naniwala sa resulta ng test ang mga kaanak ni Amba-an.

Hindi rin naitago ng mga kaanak ni Amba-an ang kanilang galit sa mga pulis at tanod na namaril.

"Alam naman nilang hindi gumaganti ng putok iyong nasa van, ba't tinutuloy pa rin nila?" ani Canuto.

Inalis sa puwesto ang hepe ng Mandaluyong police at ang 10 pulis na sangkot sa barilan.

Kinasuhan na rin ang apat na suspek na nakaaway ng mga biktima dahil sa pagbibigay ng maling impormasyon sa mga awtoridad.

Patay rin sa insidente si Jomar Hayawon at dalawa pang kasamahan nina Amba-an.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.