4 'tulak-droga' sa mga New Year party, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2017 11:10 AM | Updated as of Jan 01 2018 02:35 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Inaresto ang 3 babae at kasamahang lalaki matapos makuhanan ng nasa P1 milyong halaga ng party drugs na gagamitin umano para sa mga party sa bisperas ng Bagong Taon, Linggo. 

Dinakip ng pulisya ang mga suspek na sina Michael Franz Carag, Nina Recio, Sarah Sibayan, at Dianne Estrella sa isang buy-bust operation sa Timog Avenue, Quezon City. 

Kabilang sa mga nasamsam sa kanila ang 17 pakete ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P300,000, 200 piraso ng ecstasy at apat na bote ng liquid ecstasy na nasa P700,000 ang kabuuang halaga.

Minanmanan ng police District Drug Enforcement Unit ang grupo matapos makakuha ng tip na tumanggap sila ng mga order ng droga na gagamitin umano sa mga party sa pagsalubong sa 2018. 

Karamihan umano sa mga kustomer nila ay mga may kaya sa buhay dahil mas mahal ang party drugs kaysa shabu.

Nakilala na ng mga pulis ang dayuhang supplier ng mga suspek at pinaghahanap na ito.

Samantala, humarap naman sa media ang suspek na si Recio at iginiit na wala siyang kinalaman sa bentahan ng droga. Siya ay live-in partner ng retiradong sundalo sa US Air Force na si Raul Cisneros na naaresto sa pagbebenta ng party drugs sa Tagui noong Setyembre. 

--Ulat nina Ernie Manio at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.