Lalaki arestado sa Davao City dahil sa paputok

Ara Casas, ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2016 07:08 PM

Nakumpiska sa suspek na si Hamid Dimakuta ang 18 kahon ng "piccolo" sa Davao City Sabado ng hapon.

DAVAO CITY — Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan ng kahun-kahon ng paputok sa Davao City Sabado ng hapon.

Ito ang unang kaso ng paglabag sa Ordinance No. 060-02 of 2002 o "Firecracker Ban in Davao City" na naitala sa Davao City ngayong taon.

Nakumpiska ng San Pedro Police ang 18 kahon ng "piccolo." Ayon kay Chief Insp. Ramil Macarampat, nakuha ang mga paputok sa pamamagitan ng entrapment operation sa suspek na si Hamid Dimakuta, na nagbebenta umano sa labas ng kanyang bahay sa Bankerohan, Davao City.

"Palipat-lipat po kasi siya ng lugar na binebentahan. Nag iingat po siguro siya na mahuli. Buti na lang yung support ng komunidad is malakas po," sabi ni Macarampat.

Depensa ng suspek, napilitan siyang magbenta upang may pambili ng gamot sa kanyang tatay na may sakit.

"Kadtong 2012 pa man to, wala ko nag expect nga masakpan," ayon sa suspek.

(Taong 2012 pa 'yung mga paputok, pero hindi ko inasahan na mahuhuli.)

Base sa ordinansa, ang sinumang lalabag ay maaaring magmulta ng P1,000 at 20 araw hanggang isang buwang kulong sa first offense; P3,000 multa at isa hanggang tatlong buwang kulong sa ikalawa; at sa ikatlo ay P5,000 multa at tatlo hanggang anim na buwang kulong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.