Tauhan ng barangay sa Mandaluyong, iginiit na di naisyuhan ng baril ang mga tanod

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 08:02 PM | Updated as of Dec 31 2017 09:40 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Iginiit ng ilang tauhan ng Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City na hindi sila kailanman inisyuhan ng baril.

Ito ay sa kabila ng paggamit ng baril ng mga rumespondeng tanod sa insidente ngayong Huwebes ng gabi kung saan maling sasakyan ang kanilang niratrat.

Ayon sa ilang tauhan ng Barangay Addition Hills, hindi sila inisyuhan ng baril kailanman at mahipit na pinagbabawal sa mga tanod ang pagdadala ng baril lalo na sa mga pagresponde. 

"Sa amin po dito wala pong magpapaalala sa amin dahil alam po nila na hindi kami nagdadala ng armas,” ayon kay Arman Subio, desk officer ng Barangay Addition Hills. 

Sa isang panayam sa ANC, sinabi naman ni Jimmy Isidro, chief of staff ng Office of the Mayor ng Mandaluyong City, na hindi talaga pinahihintulutan ang mga barangay tanod na magdala ng baril.

“In the local government code, we do not allow the tanods to carry firearms that is why the mayor today reiterated a memorandum to all barangay captains that no tanods can carry firearms even in their duties,” aniya.

Ayon pa kay Isidro, nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang tanod habang nananatiling at large si Gilberto Gulpo, ang isa sa mga armadong tanod na nagmaneho umano ng patrol car.

“The two barangay tanods actually are in the custody of the police doing a paraffin test,” ani Isidro.

Patuloy ang sariling imbestigasyon ng pulisya habang magsasagawa rin nito ang National Bureau of Investigation. 

"Nag-undergo na rin ng paraffin iyong lahat ng ating mga pulis na na-involve plus iyong mga grupo ni Alfin pati iyong mga nag-survive na tatlo from the [AUV]," ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde.

Na-autopsy na rin ang mga labi nina Jomar Hayawon at Jonalyn Amba-an na mga sakay ng AUV na pinagbabaril ng mga tanod at pulis sa Shaw Boulevard.

Nagpapagaling pa sa ospital ang dalawang sugatan.

Samantala, hindi pa rin matanggap ni Johnny Hayawon ang sinapit ng kaniyang kapatid lalo na’t ngayon lang sana niya makakasama sa Bagong Taon si Jomar matapos ang higit dalawang dekada.

Ayon pa sa kaniya, hindi siya galit sa mga pulis pero sana mas naging maingat ang barangay para hindi nagkamali sa operasyon.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.