5 opisyal ng Davao fire bureau, sinibak sa puwesto kaugnay ng sunog sa mall

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 09:21 PM

DAVAO CITY - Sinibak sa pwesto ang limang opisyal ng Bureau of Fire Protection dito ngayong Sabado kaugnay ng sunog sa NCCC Mall na ikinamatay ng 38 katao.

Kinilala ang mga sinibak na opisyal bilang sina:

  • Fire Supt. Honee Fritz Alagano, district fire marshall ng lungsod;
  • Fire Insp. Renero Jimenez, station commander;
  • Sr. Fire Officer 1 Leo Lauzon, na siyang nag-inspect ng SSI;
  • Fire Officer 2 Joel Quizmundo, fire safety inspector ng NCCC Mall;
  • Sr. Fire Officer 1 Roger Dumag, hepe ng fire safety enforcement section.

Kinwestyon ng inter-agency anti-arson task force ang limang opisyal kung bakit nag-issue sila ng fire-safety inspection certificate sa NCCC Mall at SSI, gayong mayroong mga paglabag sa Fire Code of the Philippines ang mga ito base sa verification inspection na ginawa ng nasabing task force.

Kung mapapatunayang may paglabag ang limang opisyal ng BFP, posibleng maharap sila sa kasong administratibo at kriminal. 

Ayon sa task force, ang fire alarm system ng SSI ay hindi umano interconnected sa central fire alarm ng NCCC Mall, kung kaya’t maraming na-trap na mga call-center agents. Wala rin umanong automatic fire suppression system ang SSI.

Habang ang mga paglabag naman ng NCCC Mall ay ang hindi umano'y paggana ng automatic fire system sa 3rd at 4th floor dahil sarado ang floor control valve nito.

Wala rin umanong sprinkler heads ang 3rd floor ng NCCC Mall.

Ang fire exit doors naman ay walang fire rating; ibig sabihin, hindi ito smoke proof, at wala rin itong self-closing system.

Wala ring full enclosures ang fire exit kaya pumasok ang usok at init ng apoy sa fire exit.

Samantala, ayon sa isang funeral home sa lungsod, inilibing na ngayong Sabado ang walo sa 38 biktima ng sunog habang patuloy pa rin ang paghahanap sa isang nawawalang bangkay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.