Pagbubukas ng klase sa Biliran, tuloy sa Enero 3: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 10:32 PM

Sira-sira pa rin ang mga paaralan sa Biliran matapos hagupitin ng bagyong "Urduja".

Isa sa mga napinsala ng masamang panahon ang Sabang Elementary School sa bayan ng Naval.
    
Gumuho ang bundok sa likod ng paaralan na ikinasira ng mga silid-aralan.

Buti't walang nasaktan sa nangyari dahil hindi natuloy ang paglikas doon ng ilang residente.

Nitong Huwebes, nakita mismo ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) ang sinapit ng Sabang Elementary School kaya nagsagawa sila ng Brigada Eskuwela para ihanda ang mga gagamiting classroom ng mga estudyante sa Enero 3.

Hinikayat ni DepEd Secretary Leonor Briones ang iba't ibang sektor kasama ang lokal na pamahalaan na tulungan sila na makapagtayo ng temporary classrooms para sa mga apektadong estudyante.

Sa ngayon, inihahanda na ang magiging temporary classrooms ng Sabang Elementary School.

"May eskuwelahan o wala, umulan man o hindi, lahat dapat bumalik sa paaralan sa January 3 kasama na rito ang Biliran," giit ni Briones.

Sa tala ng DepEd, 12 eskuwelahan sa Biliran ang napinsala ng Urduja.
    
Ilan dito, kailangan nang ilipat dahil hindi na ligtas tayuan pa ng bagong classrooms ang lugar.
    
--Ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.