DOH kampanteng mas bababa ang firecracker-related injuries

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 01:06 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kampante ang Department of Health na mas bababa ang bilang ng mga masusugatan dahil sa paputok ngayong Bagong Taon.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Lyndon Suy, mas bababa ang firecracker-related injuries ngayong Bagong Taon kahit bumaba ang mga naitalang insidente noong nakaraang taon.

"Mababawasan ‘to, kasi in fact yung sinasabi nating mababa tayo by several percent, 50 percent, we’re comparing it at a year na mababa. Last year kasi bumaba siya ng 32 percent, so kinukumpara natin siya sa isang taon na mababa na nga eh. So mas mababa yung nakikita ngayon," aniya.

Noong nakaraang Bagong Taon, nagtala ang DOH ng 630 firecracker-related injuries na mas mababa ng 292 kaso kumpara noong Enero 1, 2016.

Target ng DOH ngayong taon na walang maitalang firecracker-related injuries ngunit sa pinakahuling tala mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 27, mayroon nang 42 sugatan.

Ayon kay Suy, Piccolo pa rin ang naitalang nagdulot ng pinakamaraming insidente ng pagkasugat dahil sa paputok.

"Ang naibalita, number 1 pa rin 'Piccolo' at kasama ang 'Piccolo' sa mga ipinagbabawal natin. Siguro sa mga susunod nating kampanya, paigtingin din natin ang pagbabatay sa mga ipinagbabawal na paputok. Paano ito nakakalusot?" aniya

Dagdag niya, nakipag-ugnayan ang kanilang ahensiya sa Philippine National Police ukol sa mga nagbebenta ng ilegal na paputok.

"May coordination kami [with PNP]. Kasama ng pagkuha sa history ng bata is saan mo binili yan, saan mo nakuha ang mga paputok na yan at inirereport natin ito," aniya.

Samantala, ipagpapatuloy ng ahensiya ang kampanya hanggang sa makamit ang zero-related firecracker injuries, ayon kay Suy.

"Patuloy tayong magkakampanya at katulong ng mga ginagawa nating ito, pagaadvocate natin para i-realize sa taong bayan na panandaliang saya ito eh na kapalit naman buong buhay mo siyang mararamdaman kapag nawala ni isang parte ng katawan mo," aniya.

Dagdag ni Suy, may pananagutan ang mga magulang sa kanilang mga anak na masusugatan dahil sa paputok ngayong Bagong Taon.

"Actually ang tinitignan namin dyan, yung mga bata, nasaan ang mga magulang nito? Ang sabi nila, obligasyon ng mga magulang na bantayan sila," aniya.

"Tulad nung isang beses may pinagusapan kami, paano raw kung kunyari, yung bata may inihagis sa isang matanda na naglalakad, pwede mong kasuhan ang magulang daw nun."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.