Bata, patay matapos mahulog sa pampang sa GenSan

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 04:26 AM

Patay ang isang 4-anyos na batang lalaki matapos itong mahulog sa isang pampang na mahigit 70 talampakan ang taas sa Barangay Apopong, General Santos City Huwebes ng tanghali. 

Kwento ng ina, naglalaro umano ang bata sa labas ng kanilang bahay sa Purok Lanton habang pinapatulog niya ang bunsong anak.

Sinabihan pa raw niya ang bata na pumasok dahil mainit na ang panahon.

Nagtaka na lang siya nang hindi niya marining ang ingay ng anak.

Kaya hinanap niya ito sa mga kwarto at sa paligid ng bahay. Nang hindi niya makita ang bata, nagduda siya na baka nahulog ito sa pampang.

Bumaba siya sa ilog at doon na tumambad ang katawan ng kanyang anak.

Nagtulungan ang kanyang mga kapitbahay at kamag-anak para maikyat sa itaas ang bata. 

Dinala nila sa ospital nang magkapulso ito pero binawian pa rin ng buhay.

Pang-apat sa anim na magkakapatid ang bata na ipapasok sana sa daycare sa susunod na taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.