Pagtalaga kay Faeldon sa bagong puwesto, binatikos

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 08:34 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagsagawa ng emergency response meeting ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes hinggil sa nagbabadyang panibagong bagyo ngayong linggo.

Pero absent sa kaniyang unang araw sa trabaho bilang deputy administrator ng Office of Civil Defense (OCD) si dating Customs chief Nicanor Faeldon na itinalaga sa bagong puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mula noong Setyembre, nakakulong pa rin si Faeldon sa Senado dahil sa pagmamatigas na sagutin ang mga tanong tungkol sa korupsiyon sa Bureau of Customs.

Ayon sa tagapagsalita ng NDRRMC, ang magagawa nila sa puntong ito ay ipaalam kay Faeldon ang kaniyang magiging trabaho sa ahensiya.

Tingin ni Senador Antonio Trillanes IV, nananatiling "sacred cow" -- bansag sa mga hindi makastigo -- si Faeldon dahil marami siyang alam na sekreto ng pamilya Duterte.

Pahayag ni Trillanes: "Faeldon knows the dark secrets of the Duterte family, that's why even if he is grossly incompetent, he remains a sacred cow."

Iginiit naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na hindi nararapat sa puwesto si Faeldon dahil bigo niyang harangin ang pagpasok ng ilegal na droga sa pantalan noong siya pa ang Customs chief.

"I respect the decision of the President to appoint Faeldon. This is his prerogative. However, the President should understand that this person is absolutely ineffective in the Bureau of Customs and was primarily responsible for the lack of systems in deterring illegal drugs from coming through the ports of our own customs," saad ng pahayag ni Gatchalian.

Sabi naman ni Sen. JV Ejercito, dapat ang mga nagseserbisyo-publiko, walang bahid ang pangalan o track record.

Saad ng bahagi ng pahayag ni Ejercito: "I would rather that appointees or those who intend to run for public office does [sic] not have any derogatory record or blemish in their track record because they are entering public service." 

Ayon naman sa Liberal Party, kung seryoso talaga ang Pangulo na sugpuin ang korupsiyon, dapat malinis ang inilalagay niya sa puwesto.

"Duterte should appoint persons with unblemished reputation... if he's really serious in eradicating corruption in his administration," pahayag ng Liberal Party.

Tumanggi nang sumagot si Faeldon sa mga batikos sa kaniya.

Ayon naman kay Senate President Koko Pimentel, naitalaga man sa bagong puwesto, kulong pa rin si Faeldon sa Senado.

Puwede lang lumaya si Faeldon kung sasagot na siya sa tanong ng mga senador.

"The solution to a problem like contempt is to purge yourself of the contempt. Not a new appointment or position in the government. No effect po 'yan sa kaniyang detention," pahayag ni Pimentel.

Hindi man hiniling ang pagkakatalaga ni Faeldon, tinatanggap pa rin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang bagong opisyal ng OCD na nasa ilalim ng Department of National Defense.

"We did not request for Nick Faeldon nevertheless we welcome him open arms [to] the team OCD. He is honest, dedicated and competent and he would be an asset to the organization," saad ng pahayag ni Lorenzana.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.