Paggamit ng mga pailaw hindi bawal, ayon sa pulisya

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 02:57 PM | Updated as of Dec 28 2017 08:40 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nilinaw ng pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Huwebes na pinahihintulutan pa rin ang paggamit ng mga pailaw sa mga residential area para salubungin ang Bagong Taon.

"'Yong puwede nating pailaw sa labas ng ating tahanan o bakuran ay pyrotechnic devices ... iyon lang ang puwede outside sa community fireworks areas," paliwanag ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde.

Ang mga paputok ay iyong mga sumasabog o naglilikha ng malalakas na tunog kapag nasisindihan.

Bagaman mayroon ding tunog, mas naglilikha ng mga ilaw o visual ang mga pailaw o pyrotechnics.

Kaugnay ang paglilinaw ni Albayalde sa kautusang ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo na naglalayong limitahan ang paggamit ng mga paputok.

Sa ilalim ng kautusan, magtatalaga ang mga pamahalaang lokal ng mga "firecracker zone" at "community fireworks display area" kung saan lang puwedeng magpapautok ang mga residente.

Ilan sa mga pailaw na puwedeng gamitin sa mga residential area ay sparklers, luces, fountain, jumbo regular at special, Mabuhay, Roman candle, trompillo, airwolf, at butterfly.

Ipinagbabawal naman ang mga paputok tulad ng bawang, small trianggulo, pulling of strings, paper caps, el diablo, watusi, Judas’ belt, at kuwitis.

Iginiit din ni Albayalde na may ilang pamahalaang lokal na lubusang ipinagbawal ang paggamit ng mga paputok at pailaw gaya ng Las Piñas, Muntinlupa, at Taguig.

Sa huling tala nitong Huwebes, nasa 267 ang kabuuang bilang ng mga itinalagang firecracker and community fireworks display zones sa Metro Manila.

Umapela rin si Albayalde sa publiko na makiisa sa pagsugpo sa mga nagbebenta ng ilegal na paputok.

"Sa ating mga kababayan, 'pag may nakitang nagebebenta ng ganito, agad i-report sa awtoridad para matigil na ito," ani Albayalde.

Sa ilalim ng Republic Act 7183, ang sinumang mahuling nangangalakal ng ipinagbabawal na paputok ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P30,000, o maaaring makulong ng 6 na buwan hanggang isang taon.

Sa tala ng Department of Health nitong Miyerkoles, umabot sa 42 ang bilang ng mga sugatan dahil sa paputok habang anim ang naaresto ng pulisya dahil sa pagbebenta ng ilegal na paputok.

Karamihan sa mga sanhi ng sugat ay ang ipinagbabawal na piccolo.

-- May ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.