2 pulis sugatan sa banggaan ng truck at police mobile

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 03:54 PM

Dalawang pulis ang sugatan sa salpukan ng truck at police mobile Martes ng gabi sa Mangaldan, Pangasinan.

Nakilala ang sugatang mga pulis na sina PO1 Mary Ann Lomibao at SPO4 Angelo Jimenez ng Mangaldan Police.

Pa-responde sana sa isang kaso ng violence against women and children ang mga pulis kasama ang 4 na iba pang katao nang banggain ang kanang bahagi ng kanilang mobile ng isang rumaragasang Elf Truck habang binabagtas ang highway ng Barangay Poblacion.

Tumilapon at nawalan ng malay si Lomibao habang napasubsob naman si Jimenez na nakatabi ng driver. Nagtamo ng sugat sa ulo at mga pasa sa katawan si Lomibao habang sugatan din si Jimenez. Pareho silang dinala sa isang pribadong ospital.

Sa imbestigasyon, galing sa bayan ng Laoac ang truck na minamaneho ng 55-anyos na si Rodrigo Maure at papunta na sana sa San Carlos City para mag-deliver ng mga manok nang biglang mabangga ang police mobile.

Samantala, nakapagpiyansa naman at pansamantalang nakalaya ang driver na kinasuhan ng reckless driving resulting in serious physical injuries and damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.