Jeep nahulog sa bangin sa N. Cotabato; 4 patay, 32 sugatan

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 04:59 PM

Nahulog sa bangin ang isang pampasaherong jeep noong Linggo ng hapon na ikinamatay ng 4 katao. Kuha ng Brigada News FM Kidapawan

Patay ang apat katao habang 32 naman ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong jeep sa bayan ng President Roxas, North Cotabato nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Police Chief Insp. Andres Sumugat Jr., hepe ng President Roxas Police, lumabas sa kanilang imbestigasyon na 36 ang biktima sa nangyaring aksidente sa Barangay Greenhills, President Roxas.

Tatlo rito ang dead on the spot na kinilalang sina Michael Dalig, Ryan Marfore, at Delfin Igian. Dead on arrival naman sa ospital si Edrian Angal.

Galing sa Kidapawan City at pabalik sa bayan ng Arakan ang passenger jeep na minamaneho ni Winifred Inotan nang mawalan ng preno sa pataas na bahagi ng President Roxas.

Nawalan umano ng kontrol ang drayber kaya nahulog sa bangin ang sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at inaalam din kung overloaded ang nasabing sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.