ALAMIN: Trabahong in demand sa BPO sa 2018 bukod sa call-center agents

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 01:35 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dati nang nagtrabaho sa ibang bansa si AJ Manuel.

Malaki ang sahod pero kinailangan niyang umuwi nang magkasakit ang ina.

Laking pasasalamat naman niya nang makahanap ng trabaho sa Pilipinas bilang call-center agent.

"Mas mahirap magtrabaho sa ibang bansa kasi wala ka talagang kasamang kapamilya, unlike here, pagkatapos ng shift mo, ng trabaho mo, makakauwi ka sa pamilya mo right away," ani Manuel.

Ayon sa PhilJobNet, ngayong 2017, pinakamarami pa rin ang job vacancy sa business process outsourcing (BPO) industry na umabot sa 133,300.

Tingin ng Department of Labor and Employment-Bureau of Local Employment (DOLE-BLE), hanggang 2018 ay papalo pa rin sa mahigit daang libo ang kakailanganing call center agents sa mga BPO.

Pero nakikitaan na rin ito ng unti-unting pagbaba dahil sa pagbabago ng mga hinahanap na skills sa BPO.

"Iyong mga call-center agent, mayroon pa rin pero mas bababa iyong kanilang demand at iyong higher-value occupations . . . Iyan na ang animators natin, software developer, website developer, graphic designer . . . Iyon ang nakikita nating in-demand in the future," sabi ni DOLE-BLE director Nikki Tutay.

May nakikita rin ang DOLE-BLE na pagtaas sa demand para sa mga legal at medical transcriptionist at accountants sa mga BPO.

"Kailangan po natin ay lagi po tayong maging flexible at maging multi-skilled dahil ito na po ang kailangan po ng ating industriya," ani Tutay. 

May nakikita ring job-generating potential ang DOLE-BLE sa mga industriya ng construction dahil sa "Build, Build, Build" program ng administrasyong Duterte, turismo kung saan tumataas ang pangangailangan ngayon sa tour guides at multilingual translators.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.