Palitan ng bintang ng ilang opisyal ng PCSO, nais paimbestigahan sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 09:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Gusto ng isang party-list group na imbestigahan ng Kamara ang palitan ng bintang ng mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Nangangamba kasi si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na baka naiipit sa bangayan ng ilang opisyal ng PCSO ang mga benepisyado ng ahensiya.

Saad ng bahagi ng pahayag ni Zarate: "From the extravagant Christmas party celebration to the irregularities and alleged corruption in the small town lotteries operations and the miniscule allotment of only P2.2 billion for the charity funds out of its P18 billion earnings-- these issues are certainly not minor and should all instead be investigated."

Sa panayam ng DZMM nitong Martes, pinagbintangan ni PCSO General Manager Alexander Balutan si board member Sandra Cam ng paninira para umano siya na ang maging pinuno ng ahensiya.

Ito'y matapos ibulgar ni Cam na nakikinabang umano ang liderato ng PCSO sa maling deklarasyon ng kita sa small town lottery sa bansa at nais niyang maimbestigahan kung ang nabigyan ng STL franchise ay mga "front" lang ng jueteng lords.

"Ang katotohanan niyan, 15 percent to 20 percent lang ang declaration. Hindi naman dinedeklara ng STL operators ang tunay. So ang 80 percent po ay ninanakaw mismo sa gobyerno. At para makakuha sila ng prangkisa, natural magkakaroon sila ng magandang PR sa nakakataas diyan sa PCSO," sabi ni Cam.

"Kumikita sila diyan. Huwag na tayo magbolahan, kumikita sila sa operators na 'yan at nananakawan ang gobyerno ng 80 percent. Gusto ko ma-explain nila sa tao kung paano nangyari ito," dagdag na banat ni Cam.

Aminado naman ang dating jueteng whistle-blower na wala siyang pruweba ng suhulan.

Tingin naman ni Balutan, gusto lang mahawakan ng kakampi ni Cam ang operasyon ng STL sa bansa.

Tinutukoy ni Balutan ang gambling tycoon na si Atong Ang na aniya'y sanggang-dikit ni Cam.

"Last year, nagpunta 'yan sa amin. Bago pa siya pumunta sa amin sinasabi niya magche-chairman siya. Ang binibitbit niya si Atong Ang... Dinala niya si Atong Ang doon sa PCSO para siya raw ang hahawak ng STL nationwide at iga-guarantee niya ang PCSO ng P200 million a month," ani Balutan.

Nanindigan naman si Balutan na walang kasalanan ang PCSO.

Hinamon niya rin si Cam na idemanda sila kung talagang kumpiyansa siya sa mga ibinibintang.

"'Yang sinasabi ni Sandra na pati kami e pinagbibintangang magnanakaw e idemanda niya kami para magkaalaman. Ni singko wala kaming hinihingi diyan. Never in my life na nanghingi ako sa mga tao na 'yan na sinasabi niya," sabi ni Balutan. 

GASTOS SA CHRISTMAS PARTY

Bago ang palitan ng alegasyon ukol sa operasyon ng STL, binanatan ni Cam ang umano'y magastos na Christmas party ng mga opisyal ng PCSO.

Aniya, gumastos ng P9.88 milyon ang PCSO para sa party nito sa isang "five-star" hotel sa Mandaluyong.

Ayon naman kay Balutan, P6.2 milyon lang ang ginastos ng PCSO sa party mula sa P10 milyong inaprubahang budget ng board.

Pinag-aaralan na ng House Committee on Games and Amusements kung iimbestigahan ang bintang tungkol sa party.

"We will study the issue. We definitely are against unnecessary expenditures in government but there is also an argument that the expenses were proportionate considering the number of PCSO employees," saad ni House committee on games and amusements Chairman Gus Tambunting sa isang pahayag.

(Pag-aaralan namin ang isyu. Tutol kami sa hindi kinakailangang gastos sa gobyerno pero mayroon din namang panig na nagsasabing tugma lang ang ginastos sa party sa dami ng empleyado ng PCSO.)

-- May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.