Zamboanga del Norte, Lanao del Norte, nag-Paskong nagluluksa dahil sa 'Vinta'

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 10:39 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa halip na masayang pagdiriwang, nabalot ng kalungkutan ang mga nasalanta ng bagyong "Vinta" sa Zamboanga del Norte at Lanao del Norte. Ang ilan sa kanila, ipinagluluksa ang mga nasawing mahal sa buhay.

Si Dionisio Guinit, namatayan ng ina, dalawang kapatid, at pamangking nalunod sa baha sa Salug, Zamboanga del Norte

"Tumatawag 'yong kapatid ko, tapos sabi niya may baha na sa amin... pagdating ko dito, patay na [sila]," kuwento ni Guinit na hindi mapigilang humagulgol sa pangungulila sa mahal sa buhay.

Ngayong araw ng Pasko, inilibing na ang dalawa pang mag-inang namatay din sa bagyo.

Nitong Pasko rin natagpuan ang labi ng 14 anyos na si Benjon Apigo.

Namatay ang 14 sa Salug, habang dalawa pa ang nawawala.

Sagot na ng lokal na pamahalaan ang lahat ng gastusin sa libing ng mga biktima.

Ayon kay Salug Mayor Jeffrey Lim, bago pa dumating ang bagyo, inalerto at pinalikas na niya ang kaniyang mga kababayan pero halos walang nakinig.

"Mayroon kaming isang worker dito sa munisipyo, umuwi sa bahay nila tapos winarningan [nagbabala] 'yong mga tao, tinawanan pa siya," ani Lim. "After 10 minutes lang, umapaw na talaga 'yong tubig."

Hapon ng Disyembre 22, tumaas ang tubig ng hanggang lagpas-tao sa Salug matapos umapaw din ang dalawang ilog doon.

Nawasak ang 80 bahay sa ilang barangay sa paligid ng ilog.

STATE OF CALAMITY

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isinailalim na sa state of calamity ang limang bayan sa Zamboanga Del Norte, kabilang na ang Salug:

  • Gutalac 
  • Labason 
  • Salug
  • Siocon 
  • Leon Postigo

Ayon sa lokal na pamahalaan, 71 ang naitalang patay sa kanilang probinsiya habang patuloy na hinahanap ang 41 nawala sa kasagsagan ng pagbayo ng bagyo.

Sa Gutalac, Zamboanga Del Norte, binuksan sa publiko ang spillway sa ilalim ng isang nasirang tulay.

Malaking ginhawa sa publiko na madaanan ang spillway dahil ito lamang sa ngayon ang tanging kumukonekta sa Gutalac sa iba pang bayang pinagkukuhanan ngayon ng iba't ibang pangangailangan ng mga mamamayan.

Wala ring kuryente hanggang sa ngayon ang malaking bahagi ng probinsiya.

SUMAKLOLO SA KABABAYAN

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi naman agad napagtanto ni Federico Sarocam ang sinuong na peligro nang sagipin ang isang batang inanod ng baha sa Salvador, Lanao del Norte noong Biyernes, Disyembre 22.

Sabi niya, matapos dalhin ang bata sa gilid ng sapa, siya naman ang muntik nang anurin.

Masaya siya na nakaligtas ang bata pero nanghihinayang ding iisang buhay lang ang nakaya niyang sagipin.

Kahit Pasko, walang tigil din ang mga awtoridad sa paghahanap ng mga nasawi sa bagyo.

Pangatlong araw na nila ito ng paghuhukay at napapagod na rin pero gusto nilang maibsan ang lungkot ng mga kababayang nawalan ng mga kaanak. 

Kahit papaano raw, makatutulong kung mabigyan ng pamilya ng disenteng libing ang mga biktima.

Kanina, dalawang bangkay ang kanilang nakuha sa ilalim ng mga troso.

Marami sa mga residente ang hindi na nagdiwang ng Pasko.

Sa kabuuan, 91 ang naitalang patay sa pananalasa ng bagyo sa Lanao del Norte, ayon sa lokal na pamahalaan.

Sa Palawan naman, aabot sa hanggang 800 bahay sa baybayin ang nawasak ng bagyong Vinta.

Higit 1,000 pamilya rin ang lumikas.

-- Ulat nina April Rafales, Ernie Manio, at Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.