Lalaking nanaksak ng pinsan at tiyuhin, arestado

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 04:04 PM | Updated as of Dec 25 2017 04:05 PM

TUBUNGAN, Iloilo – Sa bilangguan nag-Pasko ang isang 45-anyos na lalaki matapos na mapatay ang kanyang pinsan at masaksak din ang ama nito, Linggo ng gabi sa Iloilo.

Naaresto ng awtoridad si Rolly Tabalina, suspek sa pagpatay sa pinsang si Marcelino. 

Dinala naman sa pagamutan ang ama ng biktima na si Leonidas.

Galing sa inuman ang 3 sa isang Christmas party sa Barangay Dampog, Tubungan. Nauna umanong umalis ang suspek at pamilya nito. Pero habang papauwi na kasama ang asawa at isang taong gulang na anak ay bigla na lamang siyang sinuntok ng kanyang pinsan.

Ayon pa sa suspek, habang binubugbog siya, bumunot ng bolo ang kanyang tiyuhin at tinangka siyang tagain subalit nakaiwas.

Dito na siya nakakita umano ng pagkakataon na bunutin din ang kanyang patalim at pinagsasaksak ang mga biktima.

May dati na umanong alitan ang suspek at ang mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.