Lalaking nakainom, patay sa hit-and-run sa Roxas Blvd

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 09:07 AM

MANILA- Patay ang isang lalaking tindero matapos masagasaan sa Roxas Boulevard sa lungsod ng Pasay nitong bisperas ng Pasko.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Villaflores na nakikipag-inuman umano sa isang bahagi ng Roxas Boulevard malapit sa Libertad overpass bago ang insidente.

Ayon sa kinakasama ni Villaflores na si Helena dela Cruz Joven, bigla na lamang nawala ang biktima sa kaniyang tabi matapos makainom ng 2 bote ng alak.

Makalipas ang ilang sandali ay sinabihan na lamang sila na dead on the spot sa gilid ng kalsada sa northbound lane ang biktima.

Kuwento naman ng motorista na nakakita sa aksidente, mabilis ang takbo ng isang Toyota HiAce na sasakyan nang masagasaan niya ang tumatawid na biktima.

Sinabi rin umano sa kaniya ng drayber ng HiAce na takot siya na baka kuyugin siya ng mga tao sa lugar kaya didiretso na umano ito na umalis upang maghanap ng istasyon ng pulis subalit hindi pa rin lumulutang ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.