'36 bangkay natagpuan sa hagdan ng NCCC Mall'

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 06:47 PM | Updated as of Dec 26 2017 02:11 AM

Nabalot ng makapal na usok ang nasusunog na NCCC Mall sa Davao City, Disyembre 23. Photo by Otto van Dacula, Reuters

Tatlumpu't anim na mga katawan ang natagpuan sa hagdanan ng nasunog na mall sa Davao City, kung saan inilaan sa paghahanap ng mga biktima ang pagdiriwang ng Pasko. 

Ang mga katawan ay malamang sa 36 na call center agents, ayon kay James Lao ng Davao Fire Brigade Volunteers. Ang mga biktima ay mukhang inabutan ng kamatayan sa naturang lugar, at hindi na nakuhang lumabas. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nasa 37 na ang kabuuang bilang ng natagpuang mga katawan mula sa malagim na sunog, na ngayon pa lang ay pinagpaplanuhan nang imbestigahan ng Department of Justice at Department of Labor. 

Kahit araw ng Pasko ay nagpatuloy ang operasyon ng lokal na pamahalaan ng Davao City para makuha ang kabuuang 38 na pinangangambahang nasawi sa sunog sa mall. 

Hanggang Lunes ng tanghali ay isa pa lang ang bangkay na nakukuha mula sa gusali.

Ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte, nitong umaga ng Lunes muling ikinasa ang search and retrieval matapos tuluyang maapula ang sunog sa NCCC mall.

"From the city government's list, we have 39 missing as of morning yesterday. And then, there was one body found. So we have 38 missing and one confirmed dead," sabi ni Duterte sa panayam ng programang "Dateline" ng ANC.

("Sa tala ng lokal na pamahalaan, mayroon 39 na nawawala. May isang nakuhang bangkay, kaya 38 pa ang hinahanap habang isa ang kumpirmadong patay.")

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula sa textile at school supplies section sa ikatlong palapag ng gusali ang sunog na nagsimula pa noong umaga ng Disyembre 23, Sabado.

Kinahapunan, sinabi ng lokal na pamahalaan na may na-trap na 37 empleyado ng call center sa loob ng mall.

 

Kuwento ng ama ng isa sa call center agents, tumawag pa sa kaniya ang anak para sabihing hindi siya makalabas sa nasusunog na gusali.

Ayon naman sa isang tauhan ng mall, wala siyang narinig na alarma nang magsimula ang sunog.

Kinabukasan pa, bandang alas-8 ng umaga ng Disyembre 24 nang ideklarang "fire under control" ang sitwasyon sa mall.

Pahirapan din ang paghanap sa mga na-trap sa loob ng gusali dahil gumuho na rin ang ibang bahagi ng mga palapag nito.

"We have to make a system in sifting through the debris to look for the bodies. Another challenge is the breathing apparatus, because the smoke inside is very thick," paliwanag ni Duterte.

("Hinahanap namin sa guho ang mga na-trap. Isa pang hamon ang aparato para makahinga ang rescuers dahil makapal pa rin ang usok sa loob ng gusali.")

Nauna nang sinabi ng alkalde na base sa kuwento ng mga nakaligtas na tauhan ng call center, marami sa kanilang mga kasamahan ang nagtago sa comfort room ng kanilang pinagtatrabahuhan nang sumiklab ang sunog.

“Kung bakit na-trap ‘yong 37 individuals is because sobrang init and lakas and dark nu'ng smoke, wala na silang makita, and madami sa kanila ang nag-seek refuge sa loob ng CR,” ani mayor.

AYUDA SA MGA BIKTIMA

Bunsod ng trahedya, kinansela na ang ilang pagdiriwang na inihanda ng lokal na pamahalaan para sa Pasko at Bagong Taon.

 

Nag-alay din ng dasal si Catholic Bishops' Conference of the Philippines president at Davao Archbishop Romulo Valles. 

Nangako ang lokal na pamahalaan ng lungsod na tutulong sa gastusin para sa mga biktima at magbibigay rin ng ayuda sa mga kaanak.

Nagpaabot na rin ng pakikisimpatya at dasal ang Malacañang sa mga kaanak ng mga biktima.

Humarap din sa mga kaanak ng biktima si Pangulong Rodrigo Duterte. 

Banggit din ng Presidential Communications Operations Office, napaiyak ang Pangulo nang malamang walang tiyansang makaligtas ang mga na-trap sa loob ng nasunog na mall.

Sa pahayag naman ng call center na Research Now SSI, nagpaabot ito ng pakikiramay sa mga kaanak ng 37 empleyadong na-trap sa sunog.

Saad ng pahayag ng SSI: "It is with deep sadness that we confirm that 37 Research Now SSI employees were lost in the fire that struck the NCCC mall in Davao City, Philippines, where the company employs 500 in its local call center operation. This terrible tragedy has left us with heavy hearts. We offer our condolences and prayers to the families and loved ones of the victims."

Inaasikaso na rin ng kompanya ang ayudang ibibigay sa mga kaanak ng mga biktima.

"The company has arranged for counseling for its employees. In addition, it is helping to support funeral arrangements, and will create a fund for contributions to provide further assistance to the families of those who were lost. Details about the fund will be made available soon," banggit ng pahayag ng kompanya.

Mga imbestigasyon nakaumang

Inatasan naman ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin ang insidente para mapanagot kung sinumang responsable sa sunog.

Ayon kay Duterte, handa ang city engineer's office na makipagtulungan sa NBI at BFP para sa imbestigasyon. Bukas din ang lokal na pamahalaan na pondohan ang isang hiwalay na imbestigasyon sa insidente.

"The call center is only a lessee, so they do not have control over the structure and the wiring and the layout of the building," ani Duterte. "The city government will shoulder the expenses of a third-party investigation."

("Umuupa lang ang call center kaya wala silang kontrol sa estruktura, wiring, at pagkakatayo sa gusali. Sasagutin ng lokal na pamahalaan ang gastusin ng isang hiwalay na imbestigasyon.")

Nakiramay din si Labor Secretary Silveste Bello at sinabing dapat may managot sa sunog. 

"I have ordered officials of the Occupational Safety and Health Center and the DOLE regional office in Davao to immediately look into possible violations of some safety and health standards by NCC mall management in its operations. The findings of the investigation shall be submitted directly to me for purposes of determining responsibility and for appropriate legal action," ani Bello sa isang pahayag.

Watch more in iWantv or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.