Mahigit 300 nawawala sa Lanao del Norte dulot ng ‘Vinta’: PDRRMC

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2017 08:20 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nawawala ang 336 na indibidwal sa Lanao del Norte kasunod ng pananalasa ng bagyong "Vinta", ayon sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC).

Hindi naman bababa sa 60 ang naiulat na nasawi sa probinsiya kasunod ng delubyong dulot ng bagyo.

Isa si Arlene Cañete sa mga nag-aabang sa punerarya sa bayan ng Tubod, Lanao del Norte.

Nagbabakasakali siyang dalhin doon ang labi ng kaniyang mga magulang na kabilang sa mga aniya'y nasawi noong kasagsagan ng hagupit ng bagyo. Hindi pa natatagpuan ang kaniyang mga magulang.

Sa punerarya na rin magpa-Pasko si Cañete.

Kuwento niya, ito na marahil ang pinakamasakit na Pasko sa kanilang pamilya. 

Umaasa pa rin siyang mahahanap ang mga kaanak at mabibigyan ng disenteng libing.

Nitong umaga ng Linggo, nagsagawa ng aerial survey si Lanao del Norte Gov. Imelda Dimaporo at ang militar para makita ang lawak ng pinsala na dulot ng baha.

Isinisi naman ni Lanao del Norte Rep. Abdullah Dimaporo sa illegal logging ang pagkasira ng kalikasan kaya naranasan nila ang matinding baha.

"We know kung sino ang illegal loggers, pero ang problema is the evidence, iyong magrereklamo," ani Dimaporo.

Sa bayan ng Munai sa Lanao del Norte, nagtulungan naman ang mga residente at sundalo sa pagpasa-pasa ng relief goods dahil hindi madaanan ng mga sasakyan ang tulay sa barangay Dalama.

Isa sa mga inanod ng baha ang bahay ni Naira Dumrang.

Kuwento niya, nawalan man ng tirahan, mabuti pa rin at nakaligtas siya kasama ang tatlong anak.

Sa tala ng lokal na pamahalaan, 27 ang nasawi sa Munai, habang 48 na iba pa ang nawawala.

Ayon kay Munai Mayor Moumar Maquiling, hindi napaghandaan ng mga residente ang matinding baha dahil unang pagkakataon nila itong naranasan.

STATE OF CALAMITY

Nasa state of calamity naman ang bayan ng Gutalac sa Zamboanga Del Norte dahil sa matinding pinsala ng baha.

Hindi bababa sa 56 ang naitalang patay sa Zamboanga del Norte, habang 79 na iba pa ang nawawala, ayon sa lokal na pamahalaan.

Sa huling press briefing ng National Disaster Risk Reduction Management Council nitong Linggo, bineberipika pa rin nila ang kabuuang bilang ng mga nasawi at nawawala base sa nakalap na datos ng regional offices ng Office of Civil Defense at Department of the Interior and Local Government.

Unang napaulat na 123 indibidwal ang nasawi, habang 160 ang nawawala.

Pumalo rin sa mahigit P1.6 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura dulot ng bagyong Vinta.

Sa ulat naman ng Agence France Presse nitong Disyembre 23, pumalo na sa 133 ang bilang ng mga nasawi sa iba't ibang lugar na sinalanta ng bagyo. 

-- Ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.