Bangkay nakuha mula sa nasunog na mall; 36 na-trap hinahanap

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2017 04:40 PM | Updated as of Dec 24 2017 08:48 PM

Nasunog ang NCCC Mall sa Davao City Sabado ng umaga, kung saan may 37 ang naipit sa loob. Yas Ocampo/Reuters

Nakuha ang isang bangkay mula sa nasunog na NCCC mall sa Davao City nitong Linggo, base sa impormasyong ipinasa ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa alkalde ng lungsod.

"They found one body inside, it was already processed by SOCO (Scene of the Crime Operatives), then dalhin sa funeral parlor,” sabi ni Davao City Mayor Sara Duterte sa panayam ng programang "Dateline Philippines" ng ANC.

Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng bangkay na nakuha.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa inisyal na tala ng mga pangalang inilabas ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, mayroong 37 na napaulat na naipit sa sunog sa mall.

Pinaniniwalaang mga empleyado sila ng isang call center na 24 oras ang operasyon sa loob ng mall.

Ayon din sa ground commander ng BFP, walang tiyansang may nakaligtas pa sa mga naipit sa loob ng mall.

 

“Hindi [kami] titigil hanggang hindi makita ang 36 bodies,” ani Sara Duterte.

Ayon din sa alkalde, base sa kuwento ng mga nakaligtas na tauhan ng call center, marami sa kanilang mga kasamahan ang nagtago sa comfort room ng kanilang pinagtatrabahuhan nang sumiklab ang sunog.

“Kung bakit na-trap ‘yong 37 individuals is because sobrang init and lakas and dark nung smoke, wala na silang makita, and madami sa kanila ang nag-seek refuge sa loob ng CR,” ani mayor.

AYUDA SA PAMILYA

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagtakda ang lokal na pamahalaan ng Davao City ng isang "holding area" sa Southern Philippines Medical Center para sa mga kaanak ng mga na-trap sa NCCC mall.

Base sa press briefing ni Mayor Duterte, sa nasabing ospital dadalhin ang lahat ng bangkay na makikita sa loob ng mall para maproseso muna ng SOCO.

Matapos maproseso, saka pa lang dadalhin sa punerarya ang labi ng mga biktima. 

Sa ospital din bibigyan ng updates ang mga kaanak ng mga biktima.

Sa 37 pangalang naitalang nawawala sa sunog, isa lang dito ang hindi ini-report ng kaanak, bagkus ay iniulat ng kaniyang kaibigan.

“Isang name [sa missing persons' list], foreign-sounding name, parang we think it’s a Chinese individual and it was not reported by a family member, but a friend,” ani Sara Duterte.

Nangako ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Davao na tutulong sa gastusin para sa mga biktima at magbibigay rin ng ayuda sa mga kaanak.

Ayon sa BFP, hindi pa rin basta-basta mapasok ang lugar kung saan pinaniniwalaang na-trap ang iba pang biktima dahil hanggang ngayo'y sobrang init pa rin sa loob ng bahaging iyon ng mall.

Nagsimula ang sunog sa NCCC mall nitong umaga ng Sabado, Disyembre 23, at idineklarang "fire under control" pa lamang alas-8 ng umaga ng Linggo.

Dahil sa insidente, kinansela na rin ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang mga pagsasayang itinakda para sana sa araw ng Pasko at Bagong Taon.

Nagpaabot na rin ng pakikisimpatya at dasal ang Malacañang sa mga kaanak ng mga biktima.

Humarap din sa mga kaanak ng biktima si Pangulong Rodrigo Duterte. 

Banggit din ng Presidential Communications Operations Office, napaiyak ang Pangulo nang malamang walang tiyansang makaligtas ang mga na-trap sa loob ng nasunog na mall.

Watch more in iWantv or TFC.tv

-- May ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.