'Senyales ng severe dengue, nakita sa batang naturukan ng Dengvaxia'

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 12:26 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isinailalim na sa forensic examination ang bangkay ng 10 taong gulang na estudyante na namatay umano matapos na maturukan ng Dengvaxia. Lumabas sa inisyal na resulta na may senyales na severe dengue ang ikinamatay ng bata.

Hinukay ang mga labi ng grade five student na si Anjielica Pestilos limang araw matapos mailibing para isailalim sa eksaminasyon ng mga forensic doctors ng Public Attorney's Office (PAO).

Namatay umano si Anjielica matapos maturukan ng dengue vaccine na Dengvaxia noong Setyembre.

Nakalagay sa death certificate ni Anjielica na lupus ang kaniyang ikinamatay pero lumabas sa inisyal na resulta ng isinagawang forensic examination na bukod dito ay may senyales na severe dengue ang sanhi ng pagkamatay ng bata.

Tulad na lang ng nakitang matinding pagdurugo sa baga at tiyan na naging dahilan ng kaniyang abdominal pain.

Namaga rin at lumobo ang spleen at parehong kidney.

“Severely enlarged ‘yung kanyang liver tapos ang haba niya umabot hanggang dito sa level ng pusod… yes this is typical ng severe dengue,” ayon kay Dr. Erwin Erfe, director ng PAO Forensic Laboratory Services.

Ayon kay Erfe hindi nangyayari sa isang may lupus ang paglaki o pamamaga at matinding pagdurugo ng internal organs.

Napagtibay din aniya ng inisyal na resulta ng forensic examination ang una niyang nakitang mga sintomas ng severe dengue na nakasaad sa clinical abstract ni Anjielica, tulad ng pagbagsak ng platelet at white blood cells, abdominal pain at pagdurugo sa bibig pati na ang nakitang mga rashes sa kamay.

Ang PAO lang ang pinayagan ng pamilya na sumuri sa katawan ni Anjielica kaya nanghihinayang ang Department of Health (DOH) dahil mas mabuti sana anila kung nakasabay na ang kanilang mga eksperto sa forensic examination.

Ayon pa sa DOH, hahayaan muna nila ang mga eksperto mula sa UP- Philippine General Hospital sa ginagawa nilang masusing surveillance, monitoring, at pag-review sa mga kaso ng hinihinalang namatay sa Dengvaxia bago magbigay ng kumpirmasyon sa publiko.

Para naman walang duda ng cover-up at whitewash ang task force na magsasagawa ng imbestigasyon, pipili umano sila ng mga eksperto na walang koneksiyon sa Sanofi at walang conflict of interest. 

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng Sanofi pero muli nilang iginiit ang nauna nilang pahayag na ligtas ang Dengvaxia at wala pang naitatalang insidente ng pagkamatay dahil sa bakuna.

Nagsampa naman ng kasong graft ang grupong Gabriela laban kina dating Pangulong Benigno Aquino III, dating Health Secretary Janette Garin, dating Budget Secretary Butch Abad, at dating Executive Secretary Paquito Ochoa dahil sa P3.5 billion Dengvaxia scandal.

Kasama rin sa kinasuhan ang ilang opisyal ng Sanofi Pasteur na maufacturer ng Dengvaxia.

Naghain din ang Gabriela ng petisyon sa Korte Suprema para obligahin ang DOH, Department of Interior and Local Government, at Department of Education para tugunan ang panganib na dulot ng Dengvaxia sa libo-libong estudyanteng naturukan nito sa buong bansa.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.