Hindi bababa sa 22 patay sa Lanao del Norte dahil sa bagyong 'Vinta'

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 11:45 AM | Updated as of Dec 23 2017 12:21 PM

Ilang mga lugar sa bayan ng Maranding sa Lanao del Norte ang lubog sa baha dahil sa bagyong Vinta. ABS-CBN News

Ilang mga lugar sa bayan ng Maranding sa Lanao del Norte ang lubog sa baha dahil sa bagyong Vinta. ABS-CBN News

Ilang mga lugar sa bayan ng Maranding sa Lanao del Norte ang lubog sa baha dahil sa bagyong Vinta. ABS-CBN News

Ilang mga lugar sa bayan ng Maranding sa Lanao del Norte ang lubog sa baha dahil sa bagyong Vinta. Photo courtesy of Vicmar Palomar, DRRMO-Tubod

Umabot na sa 22 ang naiulat na nasawi sa paghagupit ng bagyong Vinta sa Lanao del Norte.

Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) alas-5 ng madaling araw Sabado, umakyat na sa 22 ang naitalang nasawi sa bagyo.

Nakapagtala rin ng 54 kataong nawawala at apat na sugatan.

May tatlong bata rin ang nasagip mula sa baha habang 192 kabahayan ang napinsala rin ng bagyo.

Halos kalahati ng probinsiya ang nasalanta ng bagyo kung saan apektado ang mahigit 5,000 pamilya.

Kaugnay nito, hindi umano nagkulang ang pamahalaang lokal sa paghahanda para sa pagdating ng bagyo.

Magsasagawa ng special session ang Sangguniang Panlalawigan para sa posibilidad na isailalim sa state of calamity ang probinsiya.

Kabilang sa nasalanta ng bagyo ang mga bayan ng Sapad, Tubod, Lala, Kapatagan at Salvador.

Karamihan din sa mga agricultural lands ang nalublob sa tubig at maraming bahay din ang nasira sa flashflood.

Biyernes ng gabi nang unang maitala na may 19 na nasawi sa bagyo.

Nagpapatuloy naman ang search and rescue operation sa Barangay Tugaya sa bayan ng Tubod na pinaka-nasalanta ng bagyo.

Samantala, maraming mga residente ang naapektuhan ng flash floods at landslides sa Lanao del Sur nitong Biyernes, kung saan walo ang nasawi, kabilang ang mga bata. 

Apat naman ang nananatiling nawawala.

"May casualties na tayong na-confirm. Sa munisipyo ng Wao 2 dead, 1 missing; Tugaya 1 dead, 3 missing; Madalum 4 dead; Tamparan 1 dead," ayon kay Saripada Pacasum Jr. ng PDRRMO ng Lanao del Sur.

Ayon kay Pacasum, maaga nilang naabisuhan ang mga residente pero may mangilan-ngilan pa rin ang nagdesisyon na manatali sa lugar.

"Like dito sa Tugaya, galing sa taas 'yung tubig tapos sa sobrang lakas ng buhos ng tubig, 'yun na rin ang nag-push na magkaroon ng landslide kasi landslide-prone 'yung munisipyo ng Tugaya. Sa Madalum at Wao puro flash floods na 'yan," kuwento niya.

Karamihan ng mga bahay umano doon ay nakatayo sa tabi ng ilog.

"Yung extent ng damage, pati 'yung daan natin sa mga highway bumigay rin 'yung ibang portions. Malalaking debris, ka -size ng isang kotse 'yung mga nahulog sa mga landslide areas," aniya.

Dagdag pa niya, patuloy pa rin ang search and rescue operations sa mga apektadong lugar.

"May four missing pa. Inaantay ko lang 'yung report ng ilang hindi pa naka-feedback sa atin. Sana hindi na magdagdagan," sabi niya.
-- May ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News at DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.