Mga residente ng ilang barangay sa Davao City, maagang lumikas

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 10:28 AM

DAVAO CITY - Ipinatupad na ang preemptive evacuation sa ilang flashflood-prone na mga barangay sa siyudad.

Nasa 11 pamilyang residente sa Arroyo Compound sa Barangay 74-A Matina Crossing na ang naunang nagsilikas at pansamantalang namalagi sa Barangay Hall sa takot na tumaas ang lebel ng tubig sa Balusong River at magdulot ng flashflood sa kanilang lugar.

Karamihan sa bahay ng mga residente ay nakatirik sa gilid lang ng sapa.

Marami rin sa mga naunang nang inilikas ay pawang mga babae at mga bata.
 
Huwebes din ng gabi nang mapansing nililigpit na ang mga billboards sa may Sandawa area para maiwasang mapunit o makadisgrasya sakaling lumakas ang ihip ng hanging dala ng bagyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.