Oposisyon sa Kamara, walang 2018 projects dahil sa 'gantihan'?

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 12:08 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mayroong 24 na mambabatas na umano'y walang nakalusot na proyekto sa isinabatas na 2018 national budget.

Sa listahang ibinigay ng isang source sa ABS-CBN, kasama rito ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga karibal sa lokal na pulitika ng ilang kakampi ng pangulo, gaya ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, na ang pamilya ay karibal sa pulitika sa Ilocos ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas, at Davao Del Norte Rep. Antonio "Tonyboy" Floirend,o na nakaaway ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

Mga hindi umano nakakuha ng 2018 projects:

'MAGNIFICENT 7'

Edgar Erice
Teddy Baguilat
Edcel Lagman
Emmanuel Billones
Raul Daza
Tomasito Villarin
Gary Alejano

LIBERAL PARTY

Bolet Banal
Kit Belmonte
Gerald Abaya
Vicente Alcala
Kaka Bag-ao

MAKABAYAN BLOC

Antonio Tinio
France Castro
Carlos Zarate
Arlene Brosas
Emmy de Jesus
Sara Jane Elago
Ariel Casilao

OTHERS

Imelda Marcos
Milagrosa Tan
Aurora Cerilles
Antonio Floirendo
Maria Valentina Plaza

OPOSISYON

Ayon sa Makabayan bloc, hindi naman sila nanghingi rin ng proyekto.

"Kinaltas daw 'yong individual allocations ng certain representatives who are not, apparently, in the good graces of the House leadership. 'Yon ang dinig natin, zinero sila," ani ACT party-list Rep. Antonio Tinio na kabilang sa Makabayan bloc.

Alegasyon ni Albay Rep. Edcel Lagman, si Alvarez ang nagpabura ng mga proyekto sa bicameral conference bilang paghihiganti umano sa pagbanat nilang mga mambabatas sa administrasyon.

Sabi ni Lagman sa pahayag: "The discarded projects were in the GAB (General Appropriations Bill) which was approved on third reading by the House of Representatives but were surreptitiously deleted during the bicameral conference on the national budget reportedly upon instructions of Speaker Pantaleon Alvarez. Vengeance plus caprice equal zero allocations for authentic opposition Representatives and other targeted legislators in the House of Representatives."

Nababahala naman si Ifugao Rep. Teddy Baguilat na senyales ito na gusto ng mayorya ng diktadura.

Sabi ni Baguilat sa pahayag: "Exacting revenge on the genuine opposition solons by removing projects dedicated not to them but to their citizens shows their desire for autocracy, for dangerous dictatorship."

Tingin ni Akbayan Rep. Tom Villarin, babala ito sa lahat sa Kamara na dapat lahat sumuporta sa Constituent Assembly, kawalan ng halalan sa 2019, at diktadura.

Sabi ni Villarin sa pahayag: "It serves as fair warning to the rest of the House members that all must obey and support the move for a Con-Ass, no elections in 2019, and a shift to constitutional authoritarianism."

Wala pang tugon si Alvarez ukol dito.

MAY PROYEKTO ANG KAALYADO

Aminado naman si Budget Sec. Benjamin Diokno na dati nang kalakaran na mas napapaboran sa national budget ang mga kakampi ng pangulo.

"You know that was the policy even before martial law, you're with us you get something. If you're not with us, you don't get anything," ani Diokno. "I think as far as my information is concerned... allies will get more... more projects in their districts."

Pero sinabi rin ni Diokno na may mga naipasok sa 2018 national budget na hindi nasuri kaya ide-delay muna nila ang pagpapatupad.

Ayon sa bicameral conference commitee report, mahigit P188 bilyon sa orihinal na panukala ang inilipat ng Kongreso sa iba't ibang items.

Mas mataas ng P417 bilyon ang 2018 national budget kaysa 2017 national budget.

Edukasyon at impraestraktura ang nakakuha ng pinakamalalaking bulto ng budget.

Nasa P10 bilyon mula sa calamity fund ang inilaan sa "Bangon Marawi". 

Ang pondo na tinanggal sa "Oplan Tokhang" napunta naman sa programang pabahay sa mga sundalo at pulis at dagdag-pondo sa mga presinto.

Hindi naman ginalaw ng Kongreso ang budget ng Office of the President, kasama na ang confidential at intelligence funds, na kung susumahin ay P2.5 bilyon.

Hindi rin ginalaw ang intel funds ng iba't ibang ahensiya na aabot ng mahigit P4 bilyon sa 2018.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.