Higit 300 stranded sa Manila port, umaasang makauwi bago mag-Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 01:12 AM | Updated as of Dec 21 2017 04:43 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Higit 300 pasahero pa rin ang nananatili sa Manila North Harbour sa Tondo at umaasang makakauwi sa kani-kanilang mga probinsiya bago sumapit ang Pasko.

Bumaba nitong Miyerkoles sa mahigit 300 ang bilang ng mga stranded sa pantalan mula sa 6,000 pasaherong stranded noong Lunes.

Ito'y matapos magkansela ng vessel carrier na 2GO ng mga biyahe dahil sa peligro ng pagpalaot bunsod ng bagyong "Urduja". 

Ang ilan sa mga pasahero'y maghapong nangalampag sa gate ng daungan.

Ang iba kasi sa kanila'y halos isang linggo nang naghihintay para makabiyahe pauwi ng Visayas, Mindanao at Palawan.

Ang pasaherong si Susie Juelio, noong Disyembre 15 pa dapat nakabiyahe pauwi ng Bacolod kasama ang labi ng kaniyang pamangkin.

"Sana po pagbigyan niyo naman 'yong kahilingan namin na maiuwi 'yong labi ng pamangkin ko kasi po naaawa na kami sa kaniya," panawagan ni Juelio.

"Isang linggo na siyang nakaburol at tsaka wala kaming sapat na pera pandagdag sa formalin niya kung aabot pa kami dito ng New Year," ani Juelio.

Paliwanag ni Marc Matthew Parco, chief operating officer ng 2GO Shipping Division, may abiso kasi ang Philippine Coast Guard hinggil sa delikadong pagbiyahe dahil sa sama ng panahon.

"Ginagawa ng 2GO ang lahat ng aming makakaya para maihatid nang ligtas sa pinakamabilis na paraan ang aming mga pasahero," ani Parco.

Simula Lunes, limang biyahe na ang nakansela.

Pinapipili ang mga pasahero ng refund o rebook subalit Disyembre 27 na ang susunod na biyahe.

Wala namang aberya sa mga cargo dahil nakarating na sa bansa ang mga padala para sa Pasko.

"We have no problem with regard to port congestion," ani Siony Flores, public relations officer ng Philippine Ports Authority.

Humingi rin ng pang-unawa at pasensiya ang Cebu Pacific Airlines dahil sa mga antala sa biyaheng naranasan ngayong araw.

Ayon sa Cebu Pacific, nagkaroon ng temporary slowdown o pagbagal ng paglalabas ng kanilang flight plans.

"Earlier today, Cebu Pacific experienced delays due to temporary slowdown in the production of its flight plans," pahayag ng Cebu Pacific.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.