'Doble kalbaryo': Bahay sana ng 'Yolanda' survivor, gumuho sa 'Urduja'

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 06:23 PM

Isa ang pamilya ni Renato Palo sa mga nakaligtas sa hagupit ng bagyong "Yolanda" noong 2013. Ngayon, survivor pa rin sila sa pananalasa ng bagyong "Urduja".

Sa kasagsagan ng pamiminsala ng Urduja noong nakaraang linggo, gumuho ang bahay na titirhan sana ng mga Palo sa relocation site na Guadalupe Heights 3 sa Barangay San Isidro, Tacloban.

"Hindi kami natuloy sa paglipat doon. Hindi rin pala ligtas dahil bumagsak 'yong bahay sana namin," ani Palo. "Salamat sa Panginoon na hindi pa kami kinuha."

Dumulog si Palo sa National Housing Authority, na pinapipili siya sa tatlong yunit na puwede nilang lipatan.

Subalit nangangamba pa rin si Palo sa kaligtasan ng kanilang paglilipatang bahay.

"Sana mabigyan kami ng ligtas na tirahan," ani Palo.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng developer ng relocation site subalit wala pa ring humaharap.

Nakabantay din ang guwardiya dahil hindi umano pinapayagang makapasok ang mga mamamahayag sa lugar matapos ang pagguho.

Umaasa naman ang mga nakatira sa iba pang Yolanda relocation site na mareresolba ang pagbaha sa kanilang lugar para hindi na sila lilikas tuwing may bagyo.

Pinaghahandaan na rin nila sakaling mahagupit muli dahil sa bagyong "Vinta".

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.