2 umano'y holdaper patay sa engkwentro sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 08:45 AM

Patay sa engkwentro ng mga pulis ang 2 lalaki matapos umanong mangholdap ng isang ginang sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Supt. Jay Dimaandal, hepe ng Manila Police District - Station 1, wala pang pagkakakilanlan ang mga salarin ngunit sinabi niya na positibo umanong holdaper sa lugar ang mga ito.

Nagkasa ng follow-up operation ang pulisya matapos dumulog sa tanggapan ng mga pulis ang biktima pasado ala-1 ng madaling araw.

Kita sa isang CCTV footage na nilapitan ang biktima ng 3 lalaki na sakay sa isang motorsiklo.

Maya-maya, tinutukan ng baril ng isang holdaper ang babae habang kinuhanan naman ng pera ang biktima.

Natunton ng pulisya sa Solis St. ang mga holdaper kung saan nagkapalitan ng putok ang dalawang panig.

Natamaan ang 2 holdaper na agad nilang ikinamatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.