PH Navy chief, sinibak dahil ayaw sundin ang kontrata: Lorenzana

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 07:58 PM

Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na siya ang nagpasibak kay Vice Admiral Ronald Joseph Mercado bilang pinuno ng Philippine Navy.

"As the Secretary of Defense, I have lost trust and confidence in his integrity and leadership," ani Lorenzana.

Ito'y matapos umanong sumuway ni Mercado sa utos ng kalihim na huwag lumihis sa kontrata ng gobyerno tungkol sa pagbili ng barkong pandigma.

"I questioned his intention behind his fixation with one specific company for the combat management system (CMS) of the frigate acquisition project," dagdag ng kalihim.

Kung puso ang turing sa makina ng barkong pandigma, utak naman ng barko ang CMS na nagkokonekta sa radar, komunikasyon at kahandaan ng mga sandata ng barko.

Pumasok ang gobyerno sa isang P16 bilyong kontrata kasama ang Hyundai Heavy Industries para sa proyekto. 

Subalit nakaranas ng pagkaantala ang proyekto nang ipilit ni Mercado ang kaniyang nais na CMS sa halip na specification ng kontrata ang sundin, ani Lorenzana.

"The contract says na ang mamimili ng CMS that will satisfy our specification is the builder, which is Hyundai. Ngayon, si Admiral Mercado, wants to bring in another company, another system na hindi naman kasama sa kontrata," paliwanag ni Lorenzana.

Itinuring ni Lorenzana na "insubordination" o pagsuway ang hindi pagsunod ni Mercado sa mga direktibang pinadala ng kalihim.

Hindi umano sumagot si Mercado nang hingan ng paliwanag kung bakit pinipilit niya ang partikular na uri ng management system.

Ikinapikon pa ng kalihim ang paghahanap ni Mercado ng kakampi sa kabila ng hindi pagpapaliwanag.

Ayon kay Lorenzana, tuloy ang pagbili sa dalawang frigate.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.