LTFRB sa babaeng nanakit ng driver: 'Gumalang kahit anong estado sa buhay'

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 08:54 AM | Updated as of Dec 20 2017 09:32 AM

MANILA - Igalang ang kapwa tao, ano man ang estado sa buhay.

Ito ang pakiusap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Miyerkoles, sa mga motorista matapos kumalat ang video ng isang babae na nahuling nanakit umano ng kaalitang taxi driver.

"If what the driver said is true, huwag naman pong ganiyan kasi to be a taxi driver, mahirap po kasi they're doing public service, how many hours on the road," sabi sa DZMM ni Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita ng LTFRB.

"Sana po you treat people with respect, kahit anong estado sa buhay."

Kumalat kamakailan sa social media ang video ni Cherish Interior, 31, na sinasampal ang 52-anyos na taxi driver na si Virgilio Doctor.

Sa gitna ng insidente, napalabas pa ng taxi si Doctor dahil tumaas ang presyon nito habang sinisigawan at minumura ng babaeng drayber ng pribadong sasakyan.

Tinulungan ng LTFRB si Doctor na gumawa ng affidavit. Pormal na ring isinampa ng taxi driver ang kasong unjust vexation, slight physical injuries, at malicious mischief laban kay Interior sa Quezon City Prosecutor's Office.

Hindi pa nakikipag-ugnayan si Interior o kaniyang abogado sa LTFRB, sabi ni Lizada.

Aniya, "Iyung mga ganitong klaseng motorist on the road, kailangan din pong turuan ng leksyon."

"I would like to meet them as well sa LTO (Land Transportation Office)," dagdag ng opisyal.

Bukas naman ang ABS-CBN News sa kampo ni Interior para sa kaniyang panig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.