Higit 100 pamilya, nasunugan sa Maynila, Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 10:17 PM

Higit 100 pamilya ang nawalan ng tahanan sa magkahiwalay na sunog sa Maynila at Muntinlupa nitong Lunes, isang linggo bago mag-Pasko.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa Maynila, tumagal ng higit isang oras ang sunog na pumulbos sa 30 bahay sa Capulong, Tondo.

Nasa 150 pamilya ang nawalan ng bahay habang isang bata ang nanatili sa ospital matapos malapnos ang braso.

Mabilis kumalat ang apoy dahil dikit-dikit at gawa sa light materials ang mga bahay.

Umabot sa hanggang ikatlong alarma ang sunog.

Ayon kay Chief Inspector Joselito Reyes, station commander ng Manila Fire Station 1, nagsimula ang insidente sa mga batang naglalaro sa bahay ng isang residente.

Isang apat na taong gulang na bata ang nagsindi ng posporo sa kalan na agad nagliyab.

Nalapnos ang braso ng bata, na agad dinala sa ospital.

May tatlo ding pinaglalamayang bangkay sa lugar pero hindi naman nadamay sa insidente ang mga nakaburol.

Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng ayuda para sa mga pamilyang apektado ng sunog.

Nasa 20 pamilya naman ang nasunugan sa isang residential area sa Mendiola Street, Purok Uno sa Muntinlupa.

Sa imbestigasyon ng BFP sa Muntinlupa, lagpas alas-8 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa bahay ng isang Ismeraldo Landrito.

Inabot ng halos isang oras bago ito naapula.

Umabot rin sa ikatlong alarma ang sunog, na tumupok sa 10 bahay.

Wala namang nasaktan sa insidente pero nanawagan ng tulong ang mga biktima sa lokal na pamahalaan.

Inaalam pa ang halaga ng natupok na ari-arian.

-- Ulat nina Raya Capulong at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.