Babaeng nanampal, pormal nang inireklamo ng taxi driver

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 08:47 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinampahan ng patong-patong na kaso ang babae sa video na nag-viral sa social media kung saan nakita siyang nanakit sa taxi drayber na kaniyang nakaalitan sa Quezon City.

Nahaharap sa mga reklamong unjust vexation, physical injury, at malicious mischief ang babaeng drayber na nakuhanang nakikipagtalo at nanampal ng taxi drayber.

Hinain ng 52 anyos na si Virgilio Doctor ang reklamo sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) nitong Martes.

Simpleng hindi pagkakaintindihan sa trapiko ang umano'y ugat ng away na nangyari sa Congressional Avenue, Quezon City noong Linggo ng umaga. 

Iminungkahi naman ni Atty. Ariel Inton ng grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection sa LTO na disiplinahin ang babae.

"May tinitingnan pa kaming ibang anggulo. Mayroon kasing witness eh, may pasahero kasi si manong ... She's an example of a road bully," ani Inton.

Ayon naman kay Bert Suansing, isang road safety advocate, mas mabuting huminga na lang ng malalaim kapag nakatagpo ng drayber na mainitin ang ulo.

"Hindi talaga maiiwasan 'yan na uminit ang ulo mo lalo na ang mga taon ngayon ay nag-aapura," ani Suansing.

Nagpalabas na ng show-cause order ang LTO sa babae na tumangging magbigay ng pahayag.

Pero tiniyak nitong sisipot ito sa Disyembre 27 sa LTO para ipaliwanag ang panig. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.