12-anyos na magsisimbang gabi, natagpuang duguan, bugbog sarado sa Albay

Karren Espiritu Canon, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 01:46 PM | Updated as of Dec 19 2017 05:59 PM

MALILIPOT, Albay (UPDATE) - Isang 12-anyos na batang babae ang natagpuang duguan, bugbog sarado, at walang pang-ibabang saplot sa isang masukal na bahagi ng isang barangay dito, Martes ng umaga.

Agad sinugod sa ospital ang biktima nang matagpuan. Inoobserbahan pa ang lagay ng bata. 

Ayon sa ina ng biktima, nagpaalam lamang ang anak niya na dadalo sa simbang gabi kaya umalis ng bahay ng 3:30 ng madaling araw.

Dagdag ng ina ng biktima, hindi nila sinamahan ang Grade 5 na bata sa pagsisimba dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, positibong ginahasa ang biktima. Tinutugis na nga mga pulis ang 2 lalaki na maaaring may kinalaman sa insidente.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na huwag pababayaan lumabas mag-isa ang mga anak, lalo na kung menor de edad, sa mga alanganing oras.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.