Pamilya na magsisimbang gabi, nabundol sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 11:47 AM

Lima ang sugatan nang mabundol ng isang sasakyang habang papunta sa isang simbahan sa Iloilo City para mag-Simbang Gabi. Kuha ni Zeny Quilantang, ABS-CBN News

Sugatan ang lima katao matapos mabundol ng isang sasakyan sa Barangay Quintin, Iloilo City nitong Lunes, alas-4 ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima bilang sina Joyda Trabuco, Jona Trabuco, Ruffa Mae Arca, Herna Rosales at Crystal Sabidalas.

Ayon kay Rosales, naglalakad sila sa daan patungong Jaro Cathedral Church para dumalo ng Simbang Gabi nang bigla silang masagasaan ng isang itim na sasakyan.

Ayon kay Police Officer 3 Jeffrey Janay, posibleng nakainom o nakatulog ang driver habang nagmamaneho.

Kasalukuyang nangangalap ang pulisya ng mga ebidensiya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.

Tinitingnan na rin ang kuha ng CCTV sa lugar.

-- Ulat ni Zeny Quilantang, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.