SOCO: Fil-Am, natagpuang patay sa loob ng taxi

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 08:38 AM

 

Duguan at may mga tama ng baril sa pisngi at dibdib nang matagpuan ang 63 anyos na Filipino-American na si Antonio Fermo noong Oktubre 18 sa MacArthur Highway, Marulas, Valenzuela City.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, natukoy na sa loob ng taxi naganap ang pamamaril.

"Nu'ng makita 'yung trajectory, napag-alamang nasa loob nagmula ang putok, so kasama niya sa loob ng taxi [ang suspek]," ayon kay Senior Superintendent Ronnie Mendoza, hepe ng Valenzuela PNP.

May natagpuan namang dalawang basyo ng 9-mm pistol at isang deformed slug sa loob ng taxi.

Base sa sirkumstansiya at ebidensya, posibleng isang simpleng kaso ng panghoholdap ang naganap, kung kaya't pinagsuspetsahan ng mga awtoridad ang drayber ng taxi.

Ngunit ayon sa salaysay ng tsuper, may ibang kasama si Fermo sa loob ng taxi noong naganap ang krimen.

"Siya mismo ang nagbigay ng statement na meron siyang [dalawang pasahero] tapos tinutukan siya ng isang pasahero [at sinabihan na] 'wag siyang kikibo kung hindi ay madadamay siya,” ani Mendoza.

"Nadinig na lang [ng taxi driver] na nagpapaputok yung tao sa likod. Nang tignan niya, tinamaan na yung biktima," dagdag niya.

Sa pag-usad ng pagsisiyasat, napag-alaman ng mga awtoridad mula sa kinakasama ng biktima na may lalaking ka-transaksiyon si Fermo ilang araw bago nangyari ang krimen.

Ano nga ba ang nangyari kay Fermo, at sino ang salarin sa krimeng ito? Sundan ang kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4 p.m., pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.