180 pamilya, apektado ng sunog sa Sampaloc

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 05:33 AM

Nasa 180 pamilya ang apektado matapos masunog ang ilang paupahang bahay sa Sampaloc, Maynila Biyernes ng gabi.

Ayon kay Chief Insp. Crossib Cante, hepe ng Bureau of Fire Protection-Manila for Operation, sumiklab ang sunog pasado alas-7 at naapula pagkatapos ng 3 oras.

Kwento ni Jeffrey Belda, isa sa mga nangungupahan sa lugar, nagsimula ang sunog sa dulong bahagi ng apartment at sa loob lamang ng ilang minuto ay umakyat na ito sa ikatlong alarma.

Dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy dahil gawa sa kahoy ang lumang gusali ay marami sa mga residente ang nawalan ng mga gamit at damit tulad ng pamilya Belda na tanging paupahang videoke ang naisalba.

Inaalam pa ng BFP kung ano ang pinagmulan ng apoy at kung magkano ang halaga ng pinsala nito bagamat may ilang bahay na bahagya lamang ang pinsala. Wala namang naitalang nasugatan sa sunog. - ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.